TINGNAN: UNANG PASIG CITY BUSINESS ECONOMY FORUM

September 12, 2022



Isinagawa ang kauna-unahang Pasig Business Economy Forum noong Miyerkules, December 7, 2022 sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, na naging posible sa pakikipagtulungan nito sa Pasig City Chamber of Commerce and Industry, Inc. (PCCII). Ginanap ang nasabing forum sa Marco Polo Ortigas Manila.

Layunin ng Forum na matipon ang iba’t ibang stakeholders upang kanilang matunghayan at marinig ang mga plano, programa, at proyekto ng Lokal na Pamahalaan ng Pasig ukol sa business sector at magkaroon ng dayalogo ang mga ito sa relevant na heads ng mga opisina, lalo na sa mga mula sa economic development sector ng City Government. 

Kabilang sa stakeholders na dumalo ay mga kinatawan ng lokal at nasyunal na pamahalaan katulad ng Department of Trade and Industry at Anti-Red Tape Authority; mga kinatawan mula sa pribadong sektor katulad ng Pasig Chamber at Philippine Chamber; mga kinatawan mula sa mga micro, small, and medium enterprises at start up sector; civil society organizations at homeowners association entrepreneur leaders; at iba pang stakeholders na bumubuo sa local economy – na kinabibilangan ng mga Tulong At Pampuhunang Ayuda sa taga-Pasig at iba pang sustainable livelihood programs partners.

Naging highlight ng Forum ang inspirational speech ni Mayor Vico Sotto. Bukod pa rito ay pinangunahan nya rin ang oath taking ng bagong board members ng PCCII. 

Nagkaroon ng presentations mula kina Department of Trade and Industry Asec Domingo Tolentino Jr. at Regional Director Marcelina Alcantara; PCCII President Michelle Ballesteros at AVP Teresita Ngan-Tian; at Employee Confederation of the Philippines President Sergio Luis Ortiz.

Mula naman sa hanay ng Lokal na Pamahalaang ng Pasig, nagkaroon ng presentations mula kina Local Economic Development and Investment Office Head Atty. Diego Santiago, City Planning and Development Office Head EnP Priscella Mejillano, MGM, at Public Employment Service Office Head Ms. Jelene Sison-Lopez kaugnay ng mga initiyatibo ng kanilang mga opisina kabilang ang pag-maintain ng datos ukol sa local economy, business streamlining, maging mga initiyatibo para sa formal at informal economy, zoning at land use, at employment opportunities sa Pasig. 

Matapos ang presentations ay nagkaroon ng Panel Forum na tampok ang mga kinatawan ng regulatory offices mula sa lokal na pamahalaan at Bureau of Fire Protection para masagot ang mga katanungan ng mga lumahok sa forum, kabilang ang mga tanong na ipinadala ng mga nanunuod ng livestream.

Mapapanuod ang Pasig City Business Economy Forum sa link na ito: https://bit.ly/PC_BusinessEconomyForum