Ugnayan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig at Tahanan ng Pagmamahal, Mas Pinatatag Tungo sa Pagbibigay Kalinga at Proteksyon sa mga Batang Pasigueño

February 24, 2026



Ginanap ang awarding ng Certificate of Recognition para sa Tahanan ng Pagmamahal Children’s Home Inc.— isang Pasig-based non-government organization (NGO) na nagbibigay ng pansamantalang tirahan, pangunahing pangangailangan, at karagdagang case management para sa mga children at risk at children in need of special protection sa Lungsod ng Pasig— kahapon, February 23, 2026, bilang parte ng programa ng flag-raising ceremony sa Temporary Pasig City Hall.

Ang pagkilalang ito ay bunga ng isinagawang certification assessment ng National Authority for Child Care sa pamamagitan ng Regional Alternative Child Care Office–NCR (NACC RACCO NCR) noong November 17, 2025, kung saan nakamit ng institusyon ang 92.77% compliance rating. 

Dahil dito, pormal itong nabigyan ng Full Certification at Certificate of Recognition na may bisa sa loob ng tatlong taon. Nagpapatunay ito ng tuloy-tuloy at mataas na antas ng pangangalaga at serbisyong ibinibigay nito sa mga batang nangangailangan ng adoption at alternative child care.

Pinangunahan ang awarding ni Ms. Maria Charisma Cid, Division Chief ng Standards, Accreditation and Monitoring Division ng NACC, kasama sina Mayor Vico Sotto, Vice Mayor Dodot Jaworski, at mga miyembro ng ika-12 Sangguniang Panlungsod, na tinanggap ni Ms. Ernila Valdez, Director ng Tahanan ng Pagmamahal.

Sa maikling seremonya, binigyang-diin nito ang naging papel ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa patuloy na operasyon at pag-unlad ng nasabing NGO. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Lungsod, na pinagtibay ng bisa ng Pasig City Resolution No. 86-11, s. 2024, aktibong tinutulungan ng lungsod ang Tahanan ng Pagmamahal sa pangunguna ng City Social Welfare and Development Office (Pasig CSWDO). 

Dito, ang mga kliyente mula sa Kanlungan ng Pasig ay nire-refer sa institusyon, kalakip ang pinansyal na tulong na PHP 300.00 kada bata bawat araw habang nasa kustodiya ng NGO. Tinatayang halos 50% ng mga batang nasa pangangalaga ng Tahanan ng Pagmamahal ay mula sa mga referral ng CSWDO.

Ang Certificate of Recognition ay isang mahalagang milestone para sa Tahanan ng Pagmamahal, hindi lamang bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon sa kapakanan at proteksyon ng bawat batang Pilipino, kundi bilang patunay rin ng matatag na suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa adbokasiya para sa adoption at alternative child care.

Sa patuloy na ugnayan ng lokal na pamahalaan at civil society organizations tulad ng Tahanan ng Pagmamahal, mas pinag-iigting ang sama-samang layunin na mabigyan ng ligtas, mapag-aruga, at mapagmahal na tahanan ang bawat batang nangangailangan.

#UmaagosAngPagasa