Thanksgiving Mass para sa pagdiriwang ng 25th Bambino Grand Festival sa Lungsod Pasig

January 20, 2026

Simple, taos-puso, at buong pagtitiwala sa Diyos ang naging sentro ng mensahe sa idinaos na Thanksgiving Mass noong Linggo, January 18, 2026, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-25 Bambino Grand Festival sa Lungsod ng Pasig, na ginugunita ang Kapistahan ng Panginoong Hesus, ang Banal na Sanggol.
Ang banal na misa ay pinangunahan ni Rev. Fr. Mariano Baranda, kasama sina Rev. Fr. Daniel Estacio at Rev. Fr. Rizalino Jose, at ginanap sa Immaculate Conception Cathedral of Pasig (ICC-Pasig).



Sa kanyang homiliya, iniugnay ni Fr. Baranda ang Batang Hesus sa kahalagahan ng pagkakaroon ng childlike faith— isang pananampalataya na may ganap na pagtitiwala sa Diyos, gaya ng tiwalang binibigay ng isang bata sa kanyang magulang, walang pagdududa at walang pag-aalinlangan.
Aniya, ang ganitong uri ng pananampalataya ang nagbubukas ng puso sa pagsunod ng kalooban ng Diyos at nagbibigay-daan upang maranasan ang Kanyang tunay na mga biyaya, himala, at pagpapala.

Nakiisa sa nasabing misa sina Mayor Vico Sotto, Congressman Roman Romulo, Vice Mayor Dodot Jaworski, mga miyembro ng 12th Sangguniang Panlungsod, at mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig upang sama-samang mag-alay ng pasasalamat sa Señor Sto. Niño. Dumalo rin ang mga debotong Pasigueño na may dalang kani-kanilang mga imahen ng Sto. Niño.


Sa kanyang maikling talumpati, nagpasalamat si Mayor Vico sa lahat ng kawani ng lokal na pamahalaan na tumulong sa pagsasakatuparan ng mga aktibidad at nagpahayag ng hangarin na maging makabuluhan ang pagdiriwang ng Bambino Grand Festival ngayong taon sa Lungsod ng Pasig.



Matapos ang misa, sabay-sabay na itinaas ng mga deboto ang kanilang mga imahen habang masiglang sinisigaw ang “Viva Pit Señor!” bilang pagpapahayag ng pananampalataya at papuri.


Bilang panghuli, naghandog ng isang nakakaaliw na sayaw ang mga kabataan mula sa Dance Youth Ministry ng ICC-Pasig.