SPES ISY Interns, Nagsimula na sa Kanilang Internship sa ilalim ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig

April 6, 2026

Opisyal nang nagsimula ang deployment ng 629 interns sa unang batch ng Special Program for Employment of Students – In-School Youth (SPES ISY) ngayong araw, April 6, 2026.
Sa pangunguna ng Pasig City Public Employment Service Office (PESO), matagumpay na nai-deploy ang mga intern sa iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan. Bilang bahagi ng kanilang internship, inaasahan na makakatulong sila sa araw-araw na pagbibigay ng serbisyo sa publiko, sa pamamagitan ng pagsuporta sa iba’t ibang gawain ng opisina o departamento na kanilang kinabibilangan.
Bilang paghahanda bago ang araw ng kanilang deployment, nagsagawa rin ng orientation para sa mga intern. Dito ipinaliwanag ang kanilang mga tungkulin, mga kinakailangang isumite kada linggo tulad ng accomplishment reports at daily time record, at ang tamang pananamit bilang mga intern ng lokal na pamahalaan.
Kasabay nito, nagkaroon din ng Life Skills Training mula sa Department of Labor and Employment, kung saan binigyang-diin ang wastong asal, disiplina, at pagiging propesyonal habang sila ay nasa kanilang internship.
Bago tuluyang matanggap sa SPES ISY, dumaan ang mga aplikante sa masusing proseso ng aplikasyon. Sinuri ng PESO ang kanilang mga dokumento at isinailalim sila sa interviews upang matiyak ang kanilang kwalipikasyon para sa programa.



–

Ang mga intern na natanggap para sa batch na ito ay kinakailangang mag-report kung saang opisina o departamento sila itinalaga ng PESO simula ngayong araw, April 6, 2026 hanggang May 5, 2026.