Resolusyon para sa PHP34.46B AIP at PHP917.9M 20% CDF para sa 2027; at PHP617M SIP#3 para sa 2026, aprubado na ng CDC
June 2, 2026




































Tatlong resolusyon ang naaprubahan ng City Development Council (CDC) sa 2nd Meeting nito para sa taong 2026 na ginanap kahapon, June 1, 2026.
Dalawa sa mga ito ay bilang parte ng pagpaplano para sa taong 2027: ang Annual Investment Program (AIP, PHP34.46 billion), na siyang naglalaman ng mga panukalang programa, proyekto, at aktibidad (PPA) ng bawat tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig para sa susunod na taon; at ang 20% Community Development Fund (CDF, PHP917.9 million), na mula sa National Tax Allocation (dating Internal Revenue Allotment) na required ilaan para sa developmental projects, para pa rin sa taong 2027.
Samantala, naaprubahan din ang Supplemental Annual Investment Plan #3 (SIP #3, PHP617M) para sa kasalukuyang taon. Matatandaang walang PPA ang maaaring pondohan mula sa budget ng lungsod, kung wala ang mga ito sa AIP; at ang budget ng mga PPA ay hindi maaaring higitan ang halaga ng nakatala sa AIP.
Bago ang pag-apruba ng mga resolusyon ay nagkaroon muna ng presentasyon tungkol sa mga ito. Ibinahagi ang masusing proseso ng pagbuo ng AIP 2027 kasama ang mga civil society organizations (CSOs) at maging overview ng PHP34.46 billion sa pangunguna ng City Planning and Development Office (CPDO) at Sectoral Vice Chairpersons na mula sa hanay ng heads ng mga tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Mula rin sa CPDO ay ipinakita ang listahan ng PPAs na bumubuo sa 20% CDF 2027. Sinundan ito ng naging presentasyon ng Local Finance Committee ng SIP#3 2026 na binubuo ng ilang mga PPA na nasa 2026 AIP na ngunit kailangan taasan ng ceiling, o panukalang budget, para masiguro ang implementasyon ng mga ito ngayong taon; at mga PPA na kaugnay ng pagtugon ng lungsod sa energy crisis dulot pa rin ng tension sa Middle East. Ang mga PPA mula sa mga SIP ay mapopondohan lamang kung may sapat na budget ang lokal na pamahalaan para sa mga ito, sa pamamagitan ng pagpapasa naman ng Supplemental Budget.
Kada matapos ang presentasyon, at bago tuluyang maprubahan ang mga resolusyon, ay binibigyang pagkakataon ang mga miyembro ng CDC para makapagtanong tungkol sa mga ito.
Naging sentral sa pagpapahayag ng mga opisyal ng Pamahaalaang Lungsod at mga miyembro ng CDC, partikular mula sa hanay ng CSOs, ang kagustuhang maibaba rin sa lebel ng mga barangay ang pag-uugnayan ng pamahalaan at CSOs. Sa City-level, katuwang ng lokal na pamahalaan ang CSOs mula sa pagpaplano hanggang sa pag-monitor ng PPAs.
Ibinahagi rin ng Punong Lungsod sa kanyang mensahe ang nalalapit nang pagtatapos ng Drainage System Masterplan na siyang magsisilbing gabay sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga PPA ng lokal at maging nasyonal na pamahalaan, para masiguro na ang mga ito ay tutugon sa pangangailangan ng lungsod. Aniya, ito ay napapanahon, kaugnay ng pagsisimula ng Habagat season.
Sa pagkakaapruba ng tatlong resolusyon na ito: AIP 2027 (CDC Resolution No. 2026-02) 20% CDF 2026 (CDC Resoltion No. 2026-03), at SIP#3 2026 (CDC Resolution No.2026-04), ieendorso na ang mga ito sa 12th Sangguniang Panlungsod upang pormal na mai-adopt at maaprubahan din ng konseho.
__
Ang CDC sa Lungsod Pasig ay binubuo ng City Mayor, District Representative, City Administrator, Chairperson ng Sangguniang Panlungsod Committee on Appropriations, Ways, and Means, 30 Barangay Chairpersons, mga miyembro ng CSOs, at City Director ng Department of the Interior and Local Government - Pasig Field Office. Samantala, nagsisilbing Secretariat nito ang CPDO.