Playground para sa mga Mag-aaral ng Francisco Legaspi Memorial School, Pormal nang Nai-Turnover ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig
July 23, 2026
Pormal nang ipinagkaloob ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang bagong playground sa Francisco Legaspi Memorial School (FLMS), matapos ang isinagawang turnover ceremony kaninang umaga, July 23, 2026.
Bahagi ito ng layunin ng lokal na pamahalaan na maglaan ng karagdagang mga pampublikong espasyo para sa iba’t ibang social at recreational activities na makakatulong sa pagpapabuti ng kalidad ng pamumuhay ng mga Pasigueño.
Ang naturang palaruan, na itinayo sa loob ng paaralan, ay binubuo ng slide, play tower, tunnel, sensory panel, at playhouse. Makukulay ang mga ito at gawa sa mga materyales na angkop at ligtas para gamitin ng mga bata.
Para mas malinis at komportableng gumalaw at tumakbo ang mga gagamit ng pasilidad, nilagyan din ng artificial turf grass ang sahig ng palaruan.
Makikita rin sa palaruan ang poster na naglalaman ng mga tuntunin at regulasyon na kinakailangang sundin upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa palaruan.
Pinangunahan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, kasama ang mga kawani ng City Parks and Playground, ang pagturn-over ng palaruan sa FLMS, sa pamamagitan ng Punong Guro nito na si Ms. Ma. Cynthia Badana.
Matapos ang seremonya, agad na sinubukan ng mga mag-aaral ang mga pasilidad. Batid sa kanilang mga ngiti ang saya habang sama-sama nilang nilalaro at sinulit ang kanilang bago palaruan.







