Pilot Implementation ng Magokoro Project sa Lungsod ng Pasig, Opisyal nang Nagtapos; Pamamahala sa Magokoro Facility, Ililipat na sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig
April 23, 2026















Nagtipon ang mga project implementer mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, INFIC Inc., at Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa presentasyon ng pilot run ng Magokoro sa Lungsod ng Pasig. Idinaos ang presentasyon nitong April 16, 2026 sa People’s Reception Hall, Temporary Pasig City Hall na dinaluhan din nina Mayor Vico Sotto, kasama sina 12th Sangguniang Panlungsod Committee on Senior Citizens Affairs Chairperson Councilor Pao Santiago at Committee on Social Services and Solo Parent Affairs Chairperson Councilor Angelu De Leon.
Layunin nito na balikan ang naging bunga ng isang taong implementasyon ng proyekto at ihanda ang susunod na yugto sa ilalim ng pamumuno ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Pinangunahan ni Mr. Masatoshi Masuda, CEO ng INFIC, Inc., ang pagbabahagi ng terminal report ng Magokoro. Tinalakay dito ang mga naging tagumpay sa pagbibigay ng de-kalidad, makatao, at Japanese-style na pangangalaga sa mga nakatatanda. Binigyang-diin din kung paano epektibong naiangkop ang sistemang ito sa lokal na konteksto upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga benepisyaryo.
Inilahad naman ni Ms. Ma. Teresa Briones, Head ng City Social Welfare and Development Office, ang mga plano at aksyon ng pamahalaang lungsod para sa programa mula 2026-2028. Bukod sa pagpapatuloy ng mga nasimulang serbisyo, layon ng lungsod na higit pang palakasin at palawakin ang saklaw nito sa komunidad sa pamamagitan ng pagpapaayos ng panlabas na bahagi ng pasilidad, pagdaragdag ng mga caregiver, at pagsasagawa ng pagsasanay sa home-based caregiving para sa komunidad.
Malugod na nagpahayag ng patuloy na suporta sa pag-unlad ng programa ang Chief Representative ng JICA Philippines na si Mr. Baba Takashi. Inaasahan niya na ang proyekto ay magsisilbing inspirasyon at ehemplo para sa makatao at inklusibong pag-aalaga sa mga nakatatanda sa bansa.
Sa pagtatapos ng programa, sinusugan ni Mayor Vico Sotto ang pagpapatuloy, pagpapalakas, at pagpapalawak ng Magokoro Program. Tiniyak niya ang tutok na suporta ng Pamahalaang Lungsod at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malasakit at maayos na sistema sa pag-aalaga sa mga lolo at lola.
Sa kabuuan, ang paglipat ng Magokoro Program sa lokal na pamahalaan ay hindi lamang pagtatapos ng isang proyekto, kundi simula ng mas malawak at mas inklusibong serbisyo para sa mga nakatatanda. Sa tulong ng matibay na partnership, makabagong kaalaman, at malasakit sa kapwa, patuloy na magsisilbing modelo ang Magokoro Pasig sa pagtataguyod ng isang sistemang hindi lamang makabago, kundi maalaga at makatao.
—
Ang pagtitipon ay nagsilbing paggunita sa isang taong makabuluhang implementasyon ng Pasig Magokoro Facility—isang 200 sq.m. na care facility na matatagpuan sa Pasig City Mega Dialysis Center, Eusebio Ave., Brgy. San Miguel—mula nang ito ay itatag noong March 20, 2025.