Pasig Junior City Officials, Nanumpa sa Panunungkulan bilang Pagsalubong sa 2025 Linggo ng Kabataan

August 11, 2025

Nanumpa sa katungkulan ang piling kabataang Pasigueño na magsisilbing Pasig Junior City  Officials bilang parte ng lingguhang pagtaas ng watawat ngayong araw, August 11, 2025. Ito ang nagsilbing opisyal na pagbubukas ng selebrasyon ng 2025 Linggo ng Kabataan sa Lungsod ng Pasig.

Sa maiksing programa ay isa-isang ipinakilala ang Junior City Officials sa publiko na binubuo ng youth counterparts ng 17 elected officials at 19 na department/office heads ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig. Pinangunahan ni Mayor Vico ang naging Oath Taking ng Junior City Officials. 

Kasunod ito ay nagbigay ng mensahe si Junior Mayor Ma. Diana Bulingit sa ngalan ni Mayor Vico. Sa kanyang naging mensahe, nagpaabot si Junior Mayor Diana ng pagbati para sa Linggo ng Kabataan at ibinahagi niya ang  layunin ng Junior City Officials Program. Hinikayat din ni Junior Mayor Diana ang mga Kabataang Pasigueño na aktibong makiisa at makibahagi sa mga programa, proyekto, at aktibidad ng Pamahalaang Lungsod, lalo ngayong Linggo ng Kabataan.

Mapapanuod ang naging talumpati  ni Junior Mayor Diana sa link na ito: https://www.facebook.com/share/v/19xTc3JH9z/

Samantala, mapapanuod naman ang naging kabuuan ng programa kaninang umaga mula sa link na ito: https://bit.ly/2025_FlagCeremonyAug11

𝐌𝐚𝐥𝐢𝐠𝐚𝐲𝐚𝐧𝐠 𝐋𝐢𝐧𝐠𝐠𝐨 𝐧𝐠 𝐊𝐚𝐛𝐚𝐭𝐚𝐚𝐧! 

___

Mula sa 90 applicants ay 36 kabataang Pasigueño ang itinanghal na Pasig Junior City Officials para sa taong 2025. Bukod sa pag-check ng mga ipinasang requirements kaugnay ng application process, sumailalim din ang mga ito sa panel interview. 

Bilang paghahanda sa Junior City Officials sa August 11-15, 2025 deployment ng mga ito, nagkaroon din ng Orientation para sa kanila tampok ang sessions mula sa Department of the Interior and Local Government - Pasig Field Office, Human Resource Development Office, at Gender and Development Office.

___

Ang pagtalima sa Linggo ng Kabataan sa kung saang linggo papatak ang August 12 (International Youth Day) at pagkakaroon ng Junior City Officials Program ay alinsunod sa Section 30 ng Sanggunian Kabataan Reform Act of 2015 (Republic Act No. 10742).