Pasig City, Pasok sa Top Five ng 2026 Most Business-Friendly LGU Awards
September 18, 2026
Isa ang Pasig City sa limang lungsod na pasok sa Top Five ng City Level 1A Category ng 2026 Most Business-Friendly Local Government Unit Awards ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI).
Sa nasabing parangal, kinikilala ang mga lokal na pamahalaan na nagsusulong ng mga makabago, maayos, at business-friendly na polisiya at programang nakakatulong sa pag-unlad ng mga negosyo sa kani-kanilang komunidad.
Para malaman kung sino ang magwawagi sa bawat kategorya, magkakaroon ng Final Judging kung saan maitatampok ng mga kabilang sa Top Five (kada kategorya) sa Board of Judges ang mga programa at best practices na kanilang ginagawa upang higit pang mapabuti ang kalagayan ng mga negosyo, investors, at entrepreneurs sa kanilang mga nasasakupan.
Mula pa noong 2021, consistent nang napapabilang ang Pasig City sa Top Five ng Most Business-Friendly LGU Awards, City Level 1A Category, ng PCCI. Ang patuloy na pagkakabilang ng lungsod dito ay bunga ng mga programa at inisyatiba ng Pamahalaang Lungsod, sa pangunguna ng Pasig City Local Economic and Development Investment Office at mga katuwang na departamento at opisina, para gawing mas maayos ang pagnenegosyo sa Lungsod Pasig.