Parangal sa Mga Kababaihan ng Palengke: Lingkod na Tunay

March 25, 2026



Binigyang-parangal ang 50 natatanging kababaihan mula sa iba’t ibang seksyon ng Mutya ng Pasig Mega Market sa isang seremonya na pinamagatang “Parangal sa mga Kababaihan ng Palengke: Lingkod na Tunay,” na ginanap noong Sabado, March 21, 2026, sa Tanghalang Pasigueño.

Layon ng aktibidad na ito na kilalanin ang kanilang dedikasyon, kasipagan, at mahabang panahong paglilingkod sa palengke. Nagsilbi rin itong pagkilala sa kanilang aktibong pakikibahagi sa pagpapanatili ng kaayusan at sa pagiging katuwang ng lokal na pamahalaan sa patuloy na pagpapaunlad ng ekonomiya ng lungsod.

Dumalo at nagbigay ng mensahe ang ilang opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa nasabing programa. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Vico Sotto ang kahalagahan ng pagkilala at pagtataguyod ng women empowerment, gayundin ang patuloy na pagsusulong ng pagkakapantay-pantay at pagbibigay ng sapat na proteksyon para sa mga kababaihan sa lungsod. 

–

Ang pagbibigay-parangal na ito ay isang Gender and Development initiative ng Market Administration Office, sa pamumuno ni Market Administrator Joseph Vincent Pastor C. Molina, bilang parte ng selebrasyon ng Women’s Month sa Lungsod ng Pasig ngayong Marso. 

Tingnan ang kabuuan ng kaganapan sa orihinal na post ng Pasig City Gender and Development Office.

#2026NWMC  #EmpoweredPasigueña