Pamahalaang Lungsod ng Pasig, Tumanggap ng Model Unit na Gawa sa Recycled Plastic Boards mula sa Nordic Council of Ministers para sa Temporary Housing ng Informal Settler Families
April 22, 2026














Pormal na tinanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig mula sa Nordic Council of Ministers (NCM) ang model unit para sa paghahandog ng temporary housing para sa informal settler families (ISFs) sa lungsod, kasabay ng isinagawang site visit sa Pasig Bliss Village III, Maybunga nitong Lunes, April 20, 2026.
Ang naturang prototype ay nabuo sa tulong ng Evergreen Labs (EGL) Philippines, bilang bahagi ng patuloy na ugnayan ng Pamahalaang Lungsod at NCM sa pagsusulong ng circular economy.
Ang model unit ay gawa sa matitibay na plastic boards hango sa plastic waste na sumailalim sa mabilis na conversion process gamit ang ReForm Plastic Technology ng EGL. Dahil sa materyales na ito, tinatayang aabot lamang sa halos dalawang linggo ang pagbuo ng bawat unit.
Sa kabuuang sukat na 18 square meters, ang modular housing unit ay may dining area, kitchen, elevated space na pwedeng gawing living area sa umaga at sleeping area sa gabi, pati na rin palikuran, katulad ng isang karaniwang tahanan.
Inaasahang magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng replication project upang makapaghandog ng pansamantalang tirahan para sa ISFs na boluntaryong lilisanin ang kanilang tahanan para bigyang-daan ang konstruksyon ng local housing projects at iba pang proyektong pang-imprastraktura. Pangungunahan ito ng Pasig Urban Settlements Office (PUSO), katuwang ang iba pang tanggapan ng lokal na pamahalaan at sa tulong na rin ng technical expertise at technological resources ng EGL.
Nanguna sa site visit ang mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sa katauhan ni Mayor Vico Sotto at 12th Sangguniang Panlungsod Committee on Environmental Protection, Solid Waste Management, and Human Ecology Chairperson Councilor Kiko Rustia, kasama ang mga opisyal at kawani ng PUSO, sa pangunguna ng OIC nito na si Mr. Ricardo Reyes.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Vico Sotto na ang naturang prototype ay isa sa mga epektibo at sustenableng solusyon sa public housing, sa gitna ng limitadong lupa at patuloy na paglaki ng populasyon sa lungsod.
Nakiisa rin sina Embassy of Sweden H.E. Ambassador Anna Ferry, Royal Danish Embassy H.E. Ambassador Franz-Michael Mellbin, at Royal Norwegian Embassy H.E. Ambassador Christian Halaas Lyster.
—
I-check ang post ni Mayor Vico Sotto kaugnay ng site visit: https://www.facebook.com/share/p/18hPvJ8837/