Pamahalaang Lungsod ng Pasig, Nakuha ang Gold Self-Reliant Award sa Pagtatapos ng The Challenge Initiative Philippines

October 17, 2025


Nakatanggap ng Global Self-Reliant City Award ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig bilang tanda ng pagtatapos sa ilalim ng programa ng The Challenge Initiative (TCI) - Philippines noong Martes, October 14, 2025, kasabay ng ginanap na TCI Colloquium sa Park Inn by Radisson, North Edsa, Quezon City.

Isa ang Pasig City sa siyam na lokal na pamahalaan sa buong Pilipinas na matagumpay na nakapagtapos at nakapagtatag ng isang reproductive health system sa kani-kanilang komunidad sa tulong at gabay ng TCI-Philippines. Kasama ng Pasig City sa mga nagsipagtapos ang mga lokal na pamahalaan ng Tagum, Tacurong, General Santos, Lapu-Lapu, Iriga, Isabela de Basilan, Quezon City, at Mandaluyong City.

Mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, 29 na miyembro ang kinilala ng TCI-Philippines bilang bahagi ng City Leadership Team – ang grupong bumubuo sa hanay ng mga delegado ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng programa. Sa bilang na ito, 15 ang naging Master Coaches na sumailalim sa specialized training on Health Leadership and Management, Seven High-Impact Intervention Modules in Family Planning, and Adolescent Health and Development Program sa ilalim ng TCI University.

Nagsimula ang programa sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig noong 2023, na may layuning palakasin ang kakayahan ng lokal na pamahalaan upang makapagtatag ng isang sustainable at locally led reproductive health system na tutugon sa mga pangangailangang pangkalusugan ng mga Pasigueño, lalo na ng mga kabataan. 

– 

Sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, nagtulungan ang iba’t ibang departamento tulad ng City Health Department, City Social Welfare and Development Office, Office of the City Councilor Raymundo, Gender and Development Office, Pasig City General Hospital, Sangguniang Kabataan Federation – Pasig, Department of Education – Schools Division Office of Pasig, at Philippine National Police – Pasig para matagumpay na mabuo ang Integrated Service Delivery Network (ISDN) for Adolescent Health. 

Ang ISDN ay programa at sistema na binuo ng lokal na pamahalaan upang mapahusay ang pagbibigay ng serbisyo at maayos na referral system para sa mga kabataan, lalo na sa mga nakararanas ng iba’t ibang isyu tulad ng karahasan, mental health concerns, family planning, safe motherhood, substance abuse, child protection, at social welfare support.