Pamahalaang Lungsod ng Pasig, Nagsagawa ng Local Registration at Data Validation ng PUJ Drivers para sa Special Payout ng AICS Cash Relief Assistance mula sa Nasyonal na Pamahalaan

April 1, 2026

Nagsagawa ng local registration at data validation ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig noong March 30-31, 2026 para sa public utility jeepney (PUJ) drivers na kabilang sa mga hindi nakatanggap ng cash relief assistance para sa mga tsuper, sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na ipinamahagi noong March 25, 2026.
Layunin ng inisyatibang ito ng Pamahalaang Lungsod, sa pangunguna ng City Transportation Development and Management Office (CTDMO), na matulungan ang mga unserved traditional at modern PUJ driver na mapasama sa special payout ng AICS para makatanggap ng PHP5,000 cash relief assistance mula sa nasyonal na pamahalaan.
Sa kabuuan, 1,024 indibidwal ang matagumpay na naproseso at naisama sa paunang listahan na nabuo ng lokal na pamahalaan. Kabilang dito ang 853 indibidwal na personal na nagtungo sa Maybunga Rainforest Park para sa registration at profiling, at 171 miyembro ng transport cooperatives na pinangangasiwaan ng Pasig City Cooperative Development Office (CDO) na hindi kinailangan pang sumailalim sa profiling.



Matapos ang registration at profiling, nagsagawa rin ng joint deduplication at data cleaning ang CTDMO, City Social Welfare and Development Office, at CDO ng lokal na pamahalaan, katuwang ang DSWD at Land Transportation Franchising and Regulatory Board upang ma-validate ang mga impormasyong ibinigay at matiyak na malinis at maayos ang talaan ng mga nagparehistro. Sa pamamagitan nito, natukoy ang duplicate entries sa Pasig City masterlist at ang national duplicates o mga pangalang lumitaw sa listahan ng higit sa isang lungsod, bukod sa Pasig.



Ang paunang listahan para sa Lungsod Pasig, kabilang ang mga natukoy na duplicates, ay naisumite na sa nasyonal na pamahalaan para sa finalization ng mga benepisyaryo, bago magtakda ng schedule para sa special payout ng cash relief assistance para sa PUJ/MPUJ drivers sa lungsod.