Pamahalaang Lungsod ng Pasig at UP-NCPAG, Magkatuwang para sa Patuloy na Propesyonal na Pag-unlad ng mga Kawani ng Lungsod
August 11, 2026






Pumasok sa isang kasunduan ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig at University of the Philippines - National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG) sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapatupad ng 𝗣𝗮𝘀𝗶𝗴 𝗘𝗺𝗽𝗹𝗼𝘆𝗲𝗲 𝗟𝗘𝗔𝗗𝗦 (𝗟𝗶𝗳𝗲𝗹𝗼𝗻𝗴 𝗘𝗱𝘂𝗰𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗮𝗻𝗱 𝗗𝗲𝘃𝗲𝗹𝗼𝗽𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗦𝘂𝗰𝗰𝗲𝘀𝘀) noong August 4, 2026. Layunin ng kasunduan na mabigyan ng pagkakataon ang mga kwalipikadong kawani ng lungsod ng pag-aaral sa Master of Public Administration sa ilalim ng Local Scholarship Program ng Human Resource Development Office (Pasig City HRDO).
Sa ilalim ng programa, sasagutin ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang matrikula at iba pang kaugnay na gastusin ng mga mapipiling iskolar. Dalawang empleyado ang maaaring makinabang sa bawat batch ng programa at bibigyan ng hanggang 30 buwan upang matapos ang kanilang pag-aaral. Bilang kapalit, kinakailangan nilang maglingkod sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa loob ng 3 hanggang 4 na taon matapos makapagtapos upang tuparin ang itinakdang return service obligation. Ang MOA ay mananatiling epektibo hanggang 2029.
Dinaluhan ang ceremonial signing ng Punong Lungsod at ni City Human Resource Development Officer, Ms. Elvira Flores, kasama ang opisyales ng UP na sina UP Diliman Chancellor Atty. Edgardo Carlo Vistan II, UP-NCPAG Dean Dr. Kristoffer Berse, UP-NCPAG College Secretary Prof. Zita Concepcion Calugay, Dr. Maria Faina Diola, at Ms. Marie Yna Beatrice Marbibi.
---
Ang Pasig Employee LEADS ay bahagi ng patuloy na pamumuhunan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga kawani nito. Sa pamamagitan ng mga tulad na kasunduan, inaasahang mas marami pang kawani ang magkakaroon ng pagkakataong mapalawak ang kanilang kaalaman sa pampublikong administrasyon at higit pang mapahusay ang paghahatid ng serbisyo para sa mga Pasigueño.