Pamahalaang Lungsod ng Pasig at SOS Philippines, Inilunsad ang Rescue Kitchen Project bilang Tugon sa Food Waste at Food Insecurity
February 23, 2026
Pormal nang inilunsad sa Lungsod ng Pasig ang Rescue Kitchen Project matapos pumasok sa isang kasunduan ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig at Scholars of Sustenance (SOS) Philippines sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) noong Biyernes, February 20, 2026.
Layunin ng inisyatibang ito na tugunan ang suliranin sa food waste o ang pagkaaksaya ng pagkain, at food insecurity o kakulangan ng seguridad sa pagkain. Isasakatuparan ito sa pamamagitan ng paglikom ng mga labis na pagkain na ligtas, sariwa, at angkop pa para kainin mula sa iba’t ibang restaurant, hotel, retailer, at food manufacturer para lutuin at ipamahagi sa lubos na nangangailangan.
Bilang bahagi ng ceremonial launching, nagpahayag ng mensahe ng suporta at pasasalamat sina Mayor Vico Sotto at si Councilor Angelu De Leon bilang Chairperson ng Committee on Social Services and Solo Parents.


Nagbigay din ng mensahe si SOS Philippines General Manager Rachel Luna, pati na ang mga kinatawan mula sa kanilang private sector partners na sina Robinsons Retail Holdings, Inc. Sustainability Manager Francis Paul Bayan at San Miguel Foundation, Inc. Head Ma. Raquel Paula Lichauco.
Matapos ang ceremonial signing, nasaksihan ng mga dumalong youth volunteers mula sa lungsod ang aktwal na demonstrasyon ng paraan ng paghahanda ng packed meals, na pinangunahan ng SOS Philippines Team. Ipinaliwanag din ng grupo ang buong proseso, mula sa preparation, packing, delivery, hanggang sa distribution ng mga lutong pagkain.

Bukod dito, nagkaroon din ng maikling seminar ukol sa wasto at ligtas na paghahanda ng pagkain, pati na ang ilang paalala sa pagtiyak ng nutritious value ng mga pagkain na ipapamahagi sa mga komunidad. Dinaluhan naman ito ng mga kawani mula sa City Health Department-Environmental Sanitation Office at Pasig City Nutrition Office.










Ang Rescue Kitchen Project ay pagtutulungan ng community partners at volunteers mula sa lungsod at ng SOS Philippines at private sponsors nito. Isasagawa ang preparasyon at pagbabalot ng mga lutong pagkain sa Cookery Training Facility ng Pasig City Institute of Science and Technology sa Barangay Manggahan na pinangangasiwaan ng Skills Development Office ng lokal na pamahalaan.

Bukod sa praktikal na kaalaman, tumanggap din ang lokal na pamahalaan ng kitchen equipment mula sa SOS Philippines, na makakatulong sa operasyon ng Rescue Kitchen Project sa lungsod.

—
Ang Rescue Kitchen Project ay naging posible sa pangunguna ng Office of the City Mayor. Ito ay patunay ng maayos na pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan sa non-government organizations at pribadong sektor, tungo sa hangaring makapaglingkod at makatulong sa mamamayang Pasigueño.