Pagtatapos ng Selebrasyon ng Ika-33 National Children's Month, Matagumpay na Idinaos sa Lungsod ng Pasig
December 1, 2025







































Matagumpay na nagtapos ang ika-33 National Children’s Month sa Lungsod ng Pasig sa pamamagitan ng State of the Children’s Address (SoChA) at Children’s Summit na isinagawa noong Biyernes, November 28, 2025, sa Kapitolyo Amphitheater, Brgy. Kapitolyo, Pasig City.
Umikot ang isang buwan na selebrasyon ngayong taon sa temang “OSAEC-CSAEM Wakasan: Kaligtasan at Karapatan ng Bata, Ipaglaban!” Ito ay isang panawagan upang wakasan ang online at offline na karahasan laban sa mga bata at tiyakin ang kanilang kaligtasan at karapatan.
Sa buong buwan ng Nobyembre, naghanda ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sa pangunguna ng Pasig City Social Welfare and Development Office (Pasig CSWDO), ng mga programang naka-angkla sa nasabing tema.
Bilang pagtatapos ng selebrasyon, ang culminating activity na dinaluhan ng mga kabataang Pasigueño, kasama ang kanilang mga magulang, guardian, at ilang guro, ay nahati sa dalawang bahagi. Una rito ang SoChA, na sinimulan sa pamamagitan ng pagbigkas ng Panatang Makabata na pinangunahan ni Councilor Angelu De Leon, Chairperson of the Committee on Children's Welfare, Family Empowerment, and Spiritual Affairs.
Highlight ng unang bahagi ang SoChA ni Mayor Vico Sotto, kung saan inilahad niya ang mga programa at polisiya ng lokal na pamahalaan na naglalayong patuloy na protektahan ang karapatan ng bawat kabataang Pasigueño. Tinalakay niya ang apat na pangunahing karapatan ng kabataan: Right to Survival, Right to Development, Right to Protection, at Right to Participation, at ipinakita kung paano tinutugunan ng iba’t ibang programa at inisyatiba ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang bawat isa upang matiyak ang kanilang patuloy na pag-unlad at kapakanan.
Matapos ang talumpati ni Mayor Sotto, lumagda sa Pledge of Commitment on Child Rights ang Pasig City Council for the Protection of Children bilang pagpapatibay ng pangako ng lokal na pamahalaan sa paglikha ng mga programang kapaki-pakinabang para sa lahat, lalo na para sa kabataan.
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang, nagpaabot din ng kanilang mga mensahe sina Congressman Roman Romulo, Vice Mayor Dodot Jaworski, at ilang miyembro ng 12th Sangguniang Panlungsod, kabilang sina Councilor Boyie Raymundo at Councilor Simon Tantoco.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Vice Mayor Jaworski na ang bawat kabataan ay may responsibilidad ding protektahan ang kanilang mga sarili mula sa banta ng online at offline na karahasan. Ipinaalala rin niya na mahalagang maging responsable sila sa paggamit ng teknolohiya.
Para naman sa ikalawang bahagi ng selebrasyon, ang Children’s Summit, itinampok ang iba’t ibang entertainment activities, kabilang ang espesyal na performances mula sa mga natatanging kalahok sa month-long activities.
Parte rin ng programa ang pagbibigay ng inspirational messages nina Police Captain Mary Grace M. Pagtacunan, Chief ng Women and Children Protection Desk ng Philippine National Police-Pasig, at Mr. Gilbert Inocencio, School Principal ng Eusebio High School. Bukod sa mga mensahe, bahagi rin ng programa ang pagbibigay-parangal sa mga nagwagi sa iba’t ibang kompetisyong isinagawa bilang bahagi ng pagdiriwang ng 33rd National Children’s Month.
—
Lubos ang pagpapasalamat ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa lahat ng indibidwal at sektor na nakiisa upang maging matagumpay ang selebrasyon ng ika-33 National Children’s Month sa ating lungsod. Makakaasa po kayo na patuloy na magpapatupad ang lokal na pamahalaan, sa pangunguna ng Pasig CSWDO, ng mga programa at proyektong tutugon sa kapakanan, proteksyon, at patuloy na pag-unlad ng mga kabataang Pasigueño.
—
Nais balikan ang mga kaganapan mula sa SoChA? Panoorin ang Facebook Live sa pamamagitan ng link na ito: https://bit.ly/33rdNCMStateoftheChildrensAddress