PAGGUNITA NG ANDRES BONIFACIO DAY 2025 SA LUNGSOD NG PASIG

December 1, 2025



Nagtipon ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod, kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, civil society organizations, at cultural groups, upang ipagdiwang ang ika-162 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio at ang opisyal na unveiling ng kanyang historical marker sa Lungsod ng Pasig kahapon, November 30, 2025. 

Bilang paggunita ng kanyang hindi matatawaran na kabayanihan bilang lider ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK noong panahon ng Philippine Revolution, idinaos ang isang maikling programa sa Plaza Bonifacio sa Barangay Kapasigan.

Nag-alay ng mga bulaklak ang bawat institusyon, sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sa katauhan ni Mayor Vico Sotto, Congressman Roman Romulo, Vice Mayor Dodot Jaworski, at mga miyembro ng ika-12 Sangguniang Panlungsod na sina Councilor Angelu De Leon, Councilor Boyie Raymundo, Councilor Kiko Rustia, Councilor Maro Martires, Councilor Paul Senogat, Councilor Ryan Enriquez, Councilor Simon Tantoco, at Councilor Warren Inocencio. 

Natunghayan din ang pagtatanghal ng Rizal High School Folkloric Group, kung saan sinasalamin ng bawat estudyanteng cultural dance performer ang mga magagandang katangian ng bayani. 

Pormal na isinagawa ang unveiling ng historical marker para sa kanyang monyumento kung saan siya ay nakasakay sa kabayo— isang disenyo na maituturing na rare o iilan lamang sa buong Pilipinas. 

Ginanap din ang book launching ng “Pamanang Pasig: Kasaysayan” na sinulat ng mga miyembro ng Samahang Pangkasaysayan ng Pasig at “Images of Pasig: Our Identity, Heritage, and Pride” ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig. 

Sa kanilang mensahe para sa mga Pasigueño, nag-iwan ng magagandang paalala ang mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod.

Ayon kay Congressman Romulo, mahalagang isa-puso at isa-isip ang direksyon at mga layunin na ating pinaglalaban sa Lungsod ng Pasig dahil ito ang ating panangga laban sa mga taong may makasariling ambisyon. 

Samantala, binigyang-diin naman ni Vice Mayor Jaworski na hindi kinakailangang mag-alay ang buhay para maging isang bayani; kundi sa pagiging mabuti at pamumuhay nang may integridad ay naipapakita natin ang ating pagmamahal sa bayan. 

Bilang panghuli, ibinahagi ni Mayor Vico ang sinisimulan na imbestigasyon laban sa mga tiwaling opisyal ng barangay sa lungsod, bilang tugon ng lokal na pamahalaan sa malawakang problema ng korapsyon sa bansa. Aniya, katulad ng mga katipunero na nagsakripisyo upang makamit ang kasarinlan ng bansa, ito naman ang paraan ng Lungsod ng Pasig para makatulong sa mga mamamayang Pilipino. 

Naging matagumpay ang pagdiriwang ng Andres Bonifacio Day 2025 sa pangunguna ng Cultural Affairs and Tourism Office, katuwang ang Pasig City Museum.