Notice of Compliance para sa Local Public Transport Route Plan 2025-2030 ng Pasig, Iginawad ng LTFRB sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig
September 3, 2026
Pormal na tinanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang Notice of Compliance (NOC) mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa Local Public Transport Route Plan (LPTRP) 2025-2030 ng lungsod, sa pamamagitan ng isang ceremonial awarding na isinagawa kahapon, September 2, 2026.
Ang LPTRP ay isang dokumentong naglalaman ng mga detalye tungkol sa pagpapabuti ng pampublikong transportasyon sa lungsod, partikular ang route network, mga paraan ng transportasyon, at bilang ng kinakailangang yunit ng mga sasakyan sa iba’t ibang ruta.
Sa loob ng limang taong implementasyon nito, layunin ng LPTRP na makapagbigay ng isang komportable, abot-kamay, ligtas, sustainable, at abot-kayang sistema ng transportasyon sa publiko.
Sa seremonya, ipinagkaloob ang NOC sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa pangunguna nina LTFRB-National Capital Region Regional Director Atty. Zona Russet Tamayo at LTFRB-Chief of Franchising Planning and Monitoring Division Atty. Sherwin Vizconde, kasama si Atty. Emerson Palad ng Department of Transportation.
Dumalo upang pormal na tanggapin ang NOC ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, kasama ang mga miyembro ng Pasig City Transport Planning Committee, sa pangunguna ng City Transportation Development and Management Office (Pasig Transport) bilang Secretariat, at iba pang stakeholders.
Ang pagkakaroon ng NOC ay nangangahulugang ang Pasig City LPTRP 2025-2030 ay nakapasa sa pagsusuri at alinsunod sa mga pambansang pamantayan, batay sa isinagawang review at evaluation ng LTFRB.
Kasunod nito ang pagbabalangkas ng ordinansa, pag-iisyu ng memorandum circular ng LTFRB, at pagpili ng transport service entity na mag-o-operate sa mga bago o developmental routes.
Matapos ang mga prosesong ito, isasagawa ang implementasyon ng LPTRP, gayundin ang patuloy na pagsubaybay sa aktwal na epekto nito sa pang-araw-araw na pagbiyahe ng mga commuter.
—
Ang LPTRP 2025-2030 ay bahagi ng layunin ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig na isulong ang maayos na sistema ng transportasyon na tumutugon sa pangangailangan ng mga Pasigueño at sumusuporta sa patuloy na pag-unlad ng lungsod.





