Modified Basic Safety Training: Libreng Pagsasanay at Sertipikasyon para sa Tawid-Bangka Operators at Boat Captains sa Lungsod ng Pasig

March 5, 2026

Nabigyan ng sertipikasyon mula sa Maritime Industry Authority (MARINA) ang nasa 28 tawid-bangka operators at boat captains sa lungsod ng Pasig ngayong araw, March 5, 2026, matapos lumahok sa libreng Modified Basic Safety Training (MBST) noong February 9-11, 2026, sa tulong ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Layunin ng MBST na mabigyan ng wastong kaalaman at kasanayan ang mga lokal na bangka operators at kapitan hinggil sa pagpapanatili ng seguridad at kaligtasan sa kanilang trabaho, lalo na sa pagbibigay ng ligtas na serbisyo sa mga mananakay. Sa pamamagitan nito, hangarin ng lokal at nasyonal na pamahalaan na paigtingin ang kahandaan ng mga namamangka sa anumang sakuna o emergency na maaari nilang kaharapin habang naglalayag.
Kabilang sa pitong paksa ng pagsasanay ay ang: fire prevention and fire fighting; elementary first aid; personal survival technique; personal safety and social responsibility; typhoon awareness and preparedness; ship safety and regulatory regime; at gender awareness and development.
Tinalakay ang mga ito sa gabay ng mga subject matter expert mula sa MARINA, sa pangunguna nina Ms. Giggle Mata at Ms. Lutha Ansay, at mula sa City Transportation Development and Management Office (CTDMO) ng Pamahalaang Lungsod.
Matapos ang bawat module, isinailalim ang mga kalahok sa written examination at practical exercises upang higit na mapalalim ang kanilang pang-unawa at aplikasyon ng mga natutunan nila.
Ginamit sa demonstrasyon ang Pasig City Emergency Go Bag bilang halimbawa upang gabayan ang mga operator at kapitan sa pagtukoy ng mahahalagang kagamitan na dapat ihanda at kung paano gamitin ang mga ito sakaling magkaroon ng emergency.
Bilang huling parte ng programa, isinailalim ang bawat kalahok sa Assessment and Evaluation upang matiyak ang kanilang kahandaan at pagiging kwalipikado sa pagtanggap ng sertipikasyon mula sa MARINA.

Ang paggawad ng Certificate of Completion sa mga kalahok na matagumpay na nakapagtapos ng MBST ay ginanap sa Temporary Pasig City Hall.






---

Ang libreng Modified Basic Safety Training para sa tawid-bangka operators at boat captains ay naging posible sa pakikipagtulungan ng CTDMO (Pasig Transport) sa MARINA, katuwang ang ibang tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig.