MOA Signing para sa BaLinkBayan Online Portal para sa Lungsod ng Pasig
October 18, 2024












IN PHOTOS: MOA Signing para sa BaLinkBayan Online Portal para sa Lungsod ng Pasig
Pumasok sa isang kasunduan para sa BaLinkBayan Project ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig at Commission on Filipinos Overseas (CFO) na pinagtibay sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) noong Miyerkules, October 16, 2024, sa Pasig City Hall.
Ang BaLinkBayan Project ay programa ng Office of the President na ipinapatupad ng CFO sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ang Lungsod ng Pasig ang ika-57 na lokal na pamahalaan at pangalawa sa Metro Manila na nakiisa sa programa na layong pagtibayin ang ugnayan ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa bansang pinagmulan.
Sa ilalim ng proyektong ito, magkakaroon ang Lungsod ng Pasig ng isang ONE-STOP ONLINE PORTAL. Sa pamamagitan ng portal, magkakaroon ng access ang OFWs para makapag-invest sa mga negosyo sa lungsod; mag-donate at mag-volunteer sa charities, foundations, at scholarship programs; at makapag-avail ng government services gaya ng SSS, PhilHealth, PAGIBIG Fund— nang hindi na kinakailangang umuwi ng bansa dahil available na ang mga serbisyo online.
Sa kanyang mensahe bilang parte ng programa ng MOA Signing, nagpasalamat si CFO Secretary Romulo Arugay sa Lungsod ng Pasig sa malugod na pagtanggap nito sa BaLinkBayan Project. Ayon sa kanya, ang proyektong ito ay pagpapatotoo sa hangarin ng gobyerno na palawigin ang mga programa at serbisyo nito, lalo na para sa mga kababayan na nasa abroad.
Nagpahayag din ng kanyang pasasalamat si Mayor Vico sa nasyunal na pamahalaan, partikular sa CFO, sa pagbabahagi ng kanilang programa sa Lungsod ng Pasig. Aniya, malaking tulong ito para sa mga kababayang OFW, taga-Pasig man o ibang lugar.
Kaakibat ng partnership na ito ay ang pagsasagawa ng Data Gathering Workshop at Website Management Training para sa mga empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig bilang paghahanda sa implementasyon ng programa. Parte rin ng programa ang pag-turnover ng opisyal na BaLinkBayan Website ng Pasig at isang all-in-one desktop computer na gagamitin para sa pagsasagawa ng data gathering at website management.
Patuloy ang magiging koordinasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa CFO para masiguro na magiging maayos ang implementasyon ng nasabing programa sa lungsod.
Mapapanuod ang ceremonial MOA Signing sa Facebook Live Stream na ito: https://bit.ly/BaLinkBayanMOASigning2024