Mga Opisyal ng Pasig, Tumulong sa mga Biktima ng Sunog sa Evacuation Center ng Barangay Rosario
January 19, 2025



Matapos dumalo sa Holy Mass sa Immaculate Conception Cathedral kaninang umaga ay dumiretso ang mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa Evacuation Center sa Barangay Rosario na pansamantalang tinutuluyan ng tinatayang nasa 200 indibidwal na naapektuhan ng sunog sa Westbank kahapon. Nagkaroon ng distribusyon ng Hygiene Kits at pag-alam din sa kalagayan at pangangailangan pa ng mga naapektuhan ng sunog sa pagbisita na ito.
Kahapon ng gabi ay nauna na ring pumunta sa evacuation center ang mga kinatawan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa pangunguna ng Pasig City Disaster Risk Reduction and Management Office at City Social Welfare and Development Office na nanguna naman sa Camp Management, sa pakikipagtulungan sa mga opisyal ng Barangay Rosario.
Sa pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod at Pamahalaang Barangay ng Rosario ay agarang nakapag-set up ng evacuation center kagabi kung saan nagkaroon na rin ng distribusyon ng sleeping kits sa mga pamilya at indibidwal na nasa evacuation center.