MAGING HANDA, MAKILAHOK SA 2026 3RD QUARTER NSED!
September 8, 2026
Kaisa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council at Office of Civil Defense ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa pagsasagawa ng 2026 Third Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa Huwebes, September 10, 2026, sa ganap na 02:00PM.
Inaasahang makikilahok sa drill ang lahat ng empleyado at mga bibisita sa Temporary Pasig City Hall at sa iba pang tanggapan, kabilang ang Tanghalang Pasigueño, RED Training Center, Pasig City Sports Center, Revolving Tower, at Regional Trial Court.
Gaya ng mga nakalipas na NSED, patutunugin ang sirena bilang hudyat ng pagsisimula ng drill. Sa oras na tumunog ang sirena, isagawa ang “Duck, Cover, and Hold” sa loob ng isang minuto. Matapos nito, inaasahang magtutungo ang mga kalahok sa kani-kanilang itinalagang evacuation area.
PAALALA: Kung patuloy ang pag-ulan sa araw ng drill, hindi na kinakailangang magtungo sa designated evacuation areas para sa kaligtasan ng lahat. Makilahok pa rin sa drill sa pamamagitan ng pagsasagawa ng “Duck, Cover, and Hold” sa inyong kinaroroonan.
Sa araw ng NSED, inaasahang dala ng lahat ng empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang kanilang Government Employee Emergency Go Bag at nakasuot ang kanilang hard hat. Mahalaga ang regular na pagsasanay sa wastong paggamit at pagdadala ng mga ito upang maging handa ang bawat isa sakaling magkaroon ng tunay na lindol o iba pang emergency.
Hindi lamang mga nasa tanggapan ng lokal na pamahalaan ang maaaring makilahok sa 3rd Quarter NSED. Hinihikayat din ang lahat ng Pasigueño na magsagawa ng sariling earthquake drill sa kanilang tahanan, paaralan, at iba pang lokasyon.
Sa pamamagitan ng regular na pagsasanay, napapanatili nating alerto ang bawat isa at nahahanda ang ating sarili sa tamang pagkilos sakaling dumating ang oras ng isang tunay na lindol.
Manatiling alerto, Pasigueños! Makilahok sa NSED!