Libu-libong Pasigueño, Nakiisa sa Civic Parade para sa Pagdiriwang ng Araw ng Pasig 2026
July 6, 2026
Libu-libong Pasigueño mula sa iba’t ibang sektor sa Lungsod ng Pasig ang nagsama-sama sa isang makulay at mala-piyestang Civic Parade bilang parte ng pagdiriwang ng Araw ng Pasig 2026 nitong July 2, 2026.
Pinangunahan ito ng mga opisyal at kawani ng iba’t ibang tanggapan at departamento ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga barangay, mga eskwelahan, pribadong sektor, non-government at civil society organizations, at mga institusyong panrelihiyon sa lungsod.
Para sa taong ito, itinampok ng mga opisina ng bawat sektor ng lokal na pamahalaan ang kani-kanilang bersyon ng ilang kilalang pista sa bansa. Kabilang dito ang Pahiyas ng Lucban, Quezon, Dinagyang ng Iloilo City, Moriones ng Marinduque, MassKara ng Bacolod City, at Panagbenga ng Baguio City.
Hindi rin nagpahuli ang iba pang mga delegasyon sa pagsuot ng makukulay na damit at accessories para ipakita ang kanilang pakikiisa at pakikisaya sa aktibidad.
Bukod sa makulay na mga delegasyon, lalo pang naging masigla ang buong parada sa saliw ng mga tugtugin at pagtatanghal ng Pasig City Symphonic Band at Pasig Crown Drum and Lyre Organization.
Nagsimula ang parada sa harap ng Sta. Clara de Montefalco Parish at tinahak ang kahabaan ng C. Raymundo Ave. at A. Mabini St. hanggang sa Plaza Rizal, kung saan sinalubong at binati ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang mga delegasyon.
Bilang konsiderasyon sa patuloy na krisis sa langis, nilimitahan ng lokal na pamahalaan sa mga electric vehicle ang mga sasakyang ginamit sa parada ngayong taon.
—
Balikan ang livestream ng parada sa link na ito: https://bit.ly/ANP2026_CivicParade
—
Ang pagdaraos ng Araw ng Pasig Civic Parade 2026 ay pinangunahan ng Cultural Affairs and Tourism Office, katuwang ang iba pang mga tanggapan ng lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno na nakatalaga sa Pasig.
#ArawNgPasig2026

































































































































































