Libreng Assistive Devices, Ipinagkaloob sa mga Kwalipikadong PWD sa Pasig

May 21, 2026



Nasa 57 persons with disability (PWD) mula sa Lungsod ng Pasig ang nakatanggap ng libreng assistive devices mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa isinagawang distribusyon nitong May 19, 2026, sa Temporary Pasig City Hall.

Kabilang sa mga ipinamahaging assistive devices ang hearing aid, prosthesis, at Ankle-Foot Orthosis (below the knee at above the knee), na magiging malaking tulong sa pagpapabuti ng pandinig at sa maayos na paggalaw ng mga benepisyaryo. 

Matatandaang noong Enero 2026, tumanggap ng aplikasyon ang PDAO mula sa mga PWD na nagnanais makakuha ng libreng assistive devices. Dumaan ang mga aplikante sa masusing proseso ng beripikasyon upang matiyak na sila ay lehitimong residente ng Pasig, kabilang sa sektor ng PWD, at may aktwal na pangangailangan para sa naturang kagamitan.

Matapos matukoy ang mga kwalipikadong benepisyaryo, isinagawa ang assessment at pagsusukat upang masiguro na angkop sa kanilang pangangailangan ang assistive device na kanilang matatanggap. Sa araw ng pamamahagi, personal nilang natanggap ang mga kagamitang makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at higit na magpapabuti sa kanilang mobilidad at komunikasyon.

–

Sa pamamagitan ng programang ito ng Persons with Disability Affairs Office (Pasig City PDAO), patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang mas inklusibo at accessible na serbisyo upang higit na masuportahan ang mga PWD sa lungsod at mapabuti ang kalidad ng kanilang pamumuhay.