Konsultasyon para sa Pagbalangkas ng Pasig City Integrated Transportation and Traffic Master Plan at Local Public Transport Route Plan sa Lungsod ng Pasig
October 30, 2025

































Patuloy pa rin ang pagkonsulta sa iba't ibang stakeholders sa Lungsod ng Pasig sa pamamagitan ng workshops para sa pagbuo ng Pasig City Integrated Transportation and Traffic Master Plan (TMP) at ang kaugnay nitong Local Public Transport Route Plan (LPTRP) sa Lungsod ng Pasig.
Isinagawa ang ikatlong two-part workshop para sa TMP noong October 14, 2025 na dinaluhan ng may kabuuang 151 participants mula sa iba't ibang sektor sa Lungsod -- mula sa mga tanggapan sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, mga barangay, schools, commuter groups, civil society organizations, transport service entities, tricycle operators and drivers association (TODA) representatives at national government agencies.
Layon ng workshop na ito na matukoy ang operational challenges sa mga kasalukuyang ruta sa lungsod at service areas; at matalakay din at makakuha ng feedback at inputs mula sa mga kalahok tungkol sa panukalang rationalized development routes sa lungsod. Ito ay para masiguro na magiging responsibo sa pangangailangan ng mga tao ang mga maisusulong na transport policies sa Lungsod ng Pasig.
Isa sa mga lumutang na issue noong ikatlong workshop ang limitadong kaalaman ng mga miyembro ng TODA sa konsepto, proseso, at benepisyo ng pagtatatag at pagsapi sa Transport Service Entity o TSE; kaya naman nagkaroon ng Consultation-Workshop para sa mga TODA sa lungsod kahapon, October 29, 2025 na dinaluhan ng 61 stakeholders.
Bukod sa naging orientasyon para sa mga TODA tungkol sa TSE, nagkaroon din ng pagkakataon ang Pamahalaang Lungsod, sa pangunguna ng Pasig Transport, na talakayin at ma-validate ang naging resulta ng mga survey at data gathering activities tulad ng boarding at alighting patterns, service frequency at licensing, at TODA operations tungo sa pagtukoy pa rin ng mga gaps at operational challeges at nagiging epekto ng mabigat na daloy ng trapiko sa pampublikong transportasyon.
Bukod pa rito, kinuha na rin ang pagkakataong ito para makakalap ng mga komento at suhestiyon para sa mga panukalang LPTRP routes at makapagkonsulta ng commuter groups para mas matukoy ang karanasan ng mga ito at mga nagiging issue at concerns sa pagko-commute.
Lubos na nagpapasalamat ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa mga nakikilahok sa series ng consultation para sa pagbalangkas ng TMP at LPTRP, maging sa mga nagsilbing resource persons mula sa hanay ng iba't ibang National Government Agencies at private sector partners nito.