Komunidad ng Barangay Pinagbuhatan, Sumailalim sa Community Evacuation Drill

June 9, 2026

Bilang huling bahagi ng Community Tagging and Profiling of Vulnerable Sector in High Risk Area ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa Barangay Pinagbuhatan, matagumpay na isinagawa ang Community Evacuation Drill na nilahukan ng 40 pamilya (na binubuo ng 90 indibidwal) na mga residente mula sa Ilugin Riverside at Sibol nitong Linggo, June 7, 2026.
Tulong-tulong ang buong Sangguniang Barangay ng Pinagbuhatan, sa pangangasiwa ng Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committee nito, at mga kawani ng CSWDO sa pagsasagawa ng aktwal na paglikas ng mga residente at pagtanggap sa kanila sa Nagpayong Multipurpose Evacuation Center.
Matapos ang yugto ng community organizing at profiling, isinagawa ang community drill upang masubok ang kahandaan ng komunidad sa panahon ng emergency, kabilang ang maayos na paglikas, pagtanggap, at pamamahala ng evacuation center gamit ang mga bagong protocol at sistema.
Isa sa mga tampok ng pagsasanay ang paggamit ng pre-profiling data sa pamamagitan ng Pasig ALERTO (Automated Local Evacuation and Response Tracking Operation) System, na nagpapakita kung paano mapapabilis ang pagpaparehistro at pagproseso ng internally displaced persons sa oras ng sakuna.
Nakiisa para mag-obserba sa proseso ang Community Relations and Information Office at Disaster Risk Reduction and Management Office ng lokal na pamahalaan. Dumalo rin ang Department of Social Welfare and Development - National Capital Region bilang kinatawan ng nasyonal na pamahalaan.
Nagpapasalamat ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa mga residenteng nakiisa at nakibahagi sa Community Evacuation Drill. Asahan na patuloy na papalakasin ng Pasig CSWDO, mga katuwang na opisina sa lokal na pamahalaan, at mga pamahalaang barangay ang kahandaan ng komunidad para sa maayos at organisadong pagtugon sa panahon ng kalamidad.
—
Matatandaang isinagawa ang pilot testing ng Pasig ALERTO at ang naunang Community Evacuation Drill sa Barangay Maybunga noong March 1, 2026. Basahin ang mga detalye sa nakaraang post na ito: https://www.facebook.com/share/p/1brQ2N4jRn/