Kauna-Unahang Pampublikong Remote-Controlled Vehicle Park sa Lungsod ng Pasig, Pinasinayaan sa Maybunga Rainforest Park

July 7, 2026

Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang pinakabagong atraksyon sa Maybunga Rainforest Park (MRP), ang RC Park, nitong July 5, 2026, bilang parte pa rin ng pagdiriwang ng Araw ng Pasig 2026.
Dinisenyo ang bagong destinasyon para sa mga mahilig sa remote-controlled (RC) cars at RC crawling. Binubuo ito ng iba’t ibang terrain, trails, at obstacles, kabilang ang water bed, wooden bridges, ramps, rocks, dirt, logs, at hills.
Dumalo sa seremonya ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, kasama ang nasa 250 miyembro ng Pasig RC Cars Crawlers, isang komunidad ng mga RC car enthusiasts, na siyang kauna-unahang sumubok sa bagong crawler course.
Bilang bahagi ng programa, nagbigay ng mensahe ang mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod at nagsagawa ng ribbon-cutting ceremony. Sinundan ito ng isang open crawl, kung saan ipinamalas ng mga dumalo mula sa Pasig RC Cars Crawlers ang iba’t ibang modelo ng RC vehicles, kabilang ang Toyota Land Cruiser at Ford Bronco.
Ang pagtatayo ng RC Park sa MRP ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig na maglaan ng mas maraming open spaces at pasilidad na nagsusulong ng ligtas, inklusibo, at aktibong recreational activities para sa mga Pasigueño.
Libre lamang ang paggamit ng RC Park at bukas ito araw-araw, Lunes hanggang Linggo, tuwing 06:00AM–09:00PM.

—
Panoorin ang video mula sa Cultural Affairs and Tourism Office (CATO) para sa mga kaganapan sa inagurasyon: https://www.facebook.com/share/v/1G8vpnHSMy/

—
Ang proyektong ito ay naisakatuparan sa pangunguna ng Maybunga Rainforest Park, katuwang ang CATO.