Kauna-unahang Mega Job Fair ng 2026, Napuno ng Bagong Oportunidad at Pag-asa!

January 30, 2026



Maraming salamat sa nasa 1,659 aplikante na dumalo sa kauna-unahang Mega Job Fair ng taong ito, na ginanap ngayong araw, January 30, 2026, sa Pavilion, Maybunga Rainforest Park, Brgy. Maybunga, Pasig City! 

Mula sa lahat ng masigasig na lumahok sa aktibidad, umabot sa 412 ang hired-on-the-spot, habang nasa 458 naman ang near-hire o mga aplikanteng kinakailangang magsumite pa ng karagdagang dokumento o sumailalim sa ikalawang interview bago tuluyang matanggap sa trabaho.

Bago nagsimula ang aktibidad, isang maikling programa kung saan dumalo at nagbigay ng kani-kaniyang mensahe para sa mga kalahok sina Vice Mayor Dodot Jaworski Jr. at ilang miyembro ng 12th Sangguniang Panlungsod, kabilang sina Councilor Paul Angelo Senogat, na siyang Chairperson ng Committee on Labor, Employment, and Manpower, Councilor Ryan Enriquez, Councilor Warren Inocencio, at Councilor Boyie Raymundo. Nagbigay din ng mensahe ng suporta si Department of Migrant Workers – National Capital Region Regional Director Atty. Falconi Millar. 

Tampok din sa Mega Job Fair ang One-Stop Shop, na nagsilbing malaking tulong para sa first-time jobseekers sa pagkuha ng mga libreng dokumento na kinakailangan sa paga-apply ng trabaho, gaya ng police at NBI clearance, pati na rin ang pagpaparehistro sa Pag-IBIG Fund, PhilHealth, at SSS. 

Sa aktibidad din na ito, maraming aplikante ang natulungan at nabigyang-linaw ang kanilang mga katanungan sa pamamagitan ng help desks mula sa iba’t ibang ahensya ng nasyonal na pamahalaan. 

Lubos na nagpapasalamat ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig,  sa pangunguna ng Pasig City Public Employment Service Office (PESO), sa lahat ng indibidwal na naging bahagi ng matagumpay na aktibidad na ito. Maraming salamat din sa local at overseas companies, maging sa mga sangay ng nasyonal na pamahalaan na nakiisa upang magbigay ng oportunidad sa mga aplikante. 

Para sa mga hindi nakapunta sa 1st  Mega Job Fair, huwag mag-alala dahil marami pang nakahandang aktibidad na katulad nito ang PESO para sa buong taon. Abangan lamang ang mga susunod na anunsyo kaugnay nito!