Inagurasyon ng Pasig City Museum
March 26, 2025






















Binuksan na sa publiko ang newly-renovated Pasig City Museum ngayong araw, March 26, 2025, matapos ang naging inagurasyon nito kaninang umaga.
Nagsama-sama ang mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sa pangunguna ni Mayor Vico Sotto, Congressman Roman Romulo, Vice Mayor Dodot Jaworski, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, mga kinatawan ng National Museum of the Philippines (NMP), National Historical Commission of the Philippines, at maging mga representante ng non-government organizations na umuupo bilang parte ng Pasig City Culture and the Arts Council at Pasig City Tourism Council upang pormal na ilunsad ang muling pagbubukas ng museo matapos ang halos walong taon nitong pagsasara simula noong 2017.
Nagsimula ang inagurasyon sa Welcoming Remarks mula kay Sangguniang Panlungsod Committee on Cultural and Spiritual Affairs Chairperson Councilor Angelu de Leon, kung saan ibinahagi niya ang naging kasaysayan ng museo, simula sa pagiging mansion ng pamilya Concepcion na ipinatayo noong 1937 hanggang sa naging ganap na historical landmark ito ng Lungsod Pasig noong 2001 sa bisa ng Ordinance No. 16, s. 2001.
Inilahad naman ni Ms. Anna Katrinah San Mateo ng Pasig City Museum ang historical at cultural collections at activities na tampok sa renovated museum, katulad ng permanent exhibit, souvenir shops, guided tours, workshops, at lectures. Bukod pa rito, kinilala rin ang Pamilyang Concepcion, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng dedicated area tampok ang kanilang mga litrato at heirloom pieces.
Nagagalak naman si Congressman Romulo na malayo na ang narating ng lungsod pagdating sa usapin ng sining at kultura at positibo ang kanyang pananaw na malayo pa ang mararating nito sa pagsisiwalat ng kasaysayan ng lungsod. Aniya, ang pagbubuo ng isang museo ay isang magandang hakbang tungo sa pangarap na maging isang tourist destination ang Pasig.
Binigyang diin din ni Vice Mayor Dodot ang mahalagang papel ng museum sa pagpapakilala ng lungsod Pasig hindi lamang sa mga Pasigueño, kundi pati na rin sa mga bisita mula sa ibang lugar.
Matapos ang mga paunang mensahe ay ibinahagi ni Ms. Anne Rosette Crelencia ng NMP ang mga nakapaloob sa “Declaration of Old Concepcion Mansion in Pasig City as an Important Cultural Property” at iprinisenta ang Certificate of Turn-Over and Acceptance of Important Cultural Property Marker sa Lungsod ng Pasig.
Sabay-sabay na nilagdaan ng mga kinatawan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig at ng NMP ang nasabing certificate at dumako na ang programa sa Unveiling ng National Museum Marker ng Pasig City Museum.
Sa kanyang talumpati, binanggit ni Mayor Vico ang naging magandang pagbabago ng museum kumpara noong 2019. Kinilala rin niya ang maayos, maganda, at episyenteng paggamit ng limitadong espasyo sa museum, bunga ng naging renovation project ng lungsod para rito. Umaasa rin siyang matutulungan nitong maipamulat sa mga kabataang Pasigueño tungkol sa kanilang kasaysayan at pagkakakilanlan.
Matapos ang kanyang mensahe ay umikot na sa buong pasilidad ang mga dumalo sa programa, kung saan nakita nila ang iba’t ibang exhibits at maging ang pitong-talampakang estatwa ng Mutya ng Pasig.
Binuksan na rin sa publiko ang Pasig City Museum ngayong araw simula 1:00PM hanggang 4:00PM.
—
Nabitin sa photos? Sa mga nais pumunta, bukas ang museum tuwing Martes hanggang Linggo mula 9:00AM hanggang 4:00PM.
Tumatanggap din ito ng guided tours tuwing Sabado at Linggo, by appointment. Para makapagpa-appointment, magpadala lamang ng email sa museumtours@pasigcity.gov.ph.
Para sa lahat ng katanungan, makipag-ugnayan sa pamamagitan ng Facebook Page ng Pasig City Museum.
Balikan ang Live Coverage ng Pasig City Museum Inauguration sa link na ito: https://bit.ly/PasigCityMuseumInauguration2025