Inagurasyon ng Major Improvements ng Tricycle Terminal sa Jenny’s Avenue, Westbank Floodway sa Barangay Rosario
January 30, 2026















Pormal nang binuksan sa mga tsuper at pasahero ng Jennys Rosario Floodway Maybunga Tricycle Operators and Drivers Association (JRFMTODA) ang tricycle terminal sa Jenny’s Avenue, Westbank Floodway sa Barangay Rosario, matapos ang inagurasyon nito ngayong araw, January 30, 2026.
Saklaw ng proyektong ito ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang pagpapagawa ng pilahan o carriageway ng mga tricycle; 42 meter-long waiting shed para sa mga pasahero; cyclone wire interlink fence; lighting at electrical system; at waterless urinal. Ang terminal ay mas pinalapad para maging 3 metro (mula sa 2 metro) at haba na 105 metro.
Dumalo sa inagurasyon sina Mayor Vico Sotto, Congressman Roman Romulo, at Vice Mayor Dodot Jaworski, kasama ang mga miyembro ng 12th Sangguniang Panlungsod na sina Councilor Boyie Raymundo, Councilor Maro Martires, Councilor Ryan Enriquez, Councilor Volta Delos Santos, at Councilor Warren Inocencio.
Binigyang-diin ni Mayor Vico sa kanyang talumpati ang mas pinaganda at pinalawak na espasyo ng terminal, na inaasahang makikinabang hindi lamang ang mga kasapi ng TODA, kundi pati na rin sa mga pasahero, at mga dumaraan sa lugar na ito. Ipinaliwanag din niya ang mahigpit na pagsiguro ng kalidad ng konstruksyon upang matiyak ang kaligtasan ng lahat, lalo na’t malapit ito sa Ilog Pasig.
Kaugnay ng halos PHP2.4M na kabuuang halaga ng proyekto, iginiit ni Mayor Vico: “𝙃𝙞𝙣𝙙𝙞 ‘𝙮𝙪𝙣𝙜 𝙡𝙖𝙠𝙞 𝙣𝙜 𝙞𝙣𝙛𝙧𝙖𝙨𝙩𝙧𝙪𝙘𝙩𝙪𝙧𝙚 𝙥𝙧𝙤𝙟𝙚𝙘𝙩 𝙖𝙣𝙜 𝙥𝙞𝙣𝙖𝙜-𝙪𝙪𝙨𝙖𝙥𝙖𝙣 𝙙𝙞𝙩𝙤 𝙠𝙪𝙣𝙙𝙞 ‘𝙮𝙪𝙣𝙜 𝙩𝙪𝙡𝙤𝙣𝙜 𝙖𝙩 𝙢𝙖𝙜𝙞𝙣𝙜 𝙢𝙖𝙖𝙮𝙤𝙨 ‘𝙮𝙪𝙣𝙜 𝙩𝙚𝙧𝙢𝙞𝙣𝙖𝙡 𝙣𝙖𝙩𝙞𝙣. 𝙄𝙩𝙤 𝙣𝙖𝙢𝙖𝙣 ‘𝙮𝙪𝙣𝙜 𝙜𝙞𝙣𝙖𝙜𝙖𝙬𝙖 𝙣𝙖𝙩𝙞𝙣 𝙣𝙜𝙖𝙮𝙤𝙣 𝙨𝙖 𝙇𝙪𝙣𝙜𝙨𝙤𝙙 𝙣𝙜 𝙋𝙖𝙨𝙞𝙜."
Nagpaabot naman ng masayang pagbati sina Congressman Roman at Vice Mayor Dodot sa mga kasapi ng JRFMTODA.
Pinasalamatan ng mga opisyal ang lahat ng naging bahagi ng proyekto, sa pangunguna ng City Engineering Office, katuwang ang Tricycle Operation and Regulatory Office, pati na ang mga opisyal ng barangay, at hinimok ang lahat na pangalagaan at panatilihin ang kaayusan ng terminal.
Matapos ang mga mensahe ay isinagawa ang Ribbon Cutting, na sinundan ng Blessing sa pangunguna ni Rev. Fr. Melvin Ojeda. Natapos ang programa sa pag-iikot ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa buong terminal upang suriin ang bagong pasilidad.