Inagurasyon ng E. Santos Health Center at Major Improvement ng Sidewalk at Drainage System sa E. Santos St. sa Brgy. Palatiw at Brgy. Pinagbuhatan
February 27, 2026


















Isang makasaysayang araw ang nasaksihan ng mga residente ng Brgy. Palatiw at Brgy. Pinagbuhatan matapos na pinasinayaan ang E. Santos Health Center at ang major improvement ng sidewalk at drainage system sa E. Santos St. kaninang umaga, February 27, 2026.
Bilang bahagi ng pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan sa Lungsod ng Pasig, ipinatayo ang E. Santos Health Center sa halagang PHP13.5M. May tatlong palapag ito at gross floor area na 195 square meters, kabilang ang mga silid para sa treatment o consultation, testing, medicine dispensing, at iba pa.
Isinagawa rin ang pag-aayos ng sidewalk at drainage system, na nagkakahalagang PHP6M. Ang sidewalk ay may haba na 196 linear meters at lapad na 1-1.2 meters sa magkabilang gilid. Ang drainage system naman ay may lapad na 1 meter at lalim na 1.2 meters at ginamitan ng reinforced concrete box culvert upang matiyak ang tibay at pangmatagalang gamit.
Dinaluhan ang seremonya nina Mayor Vico Sotto, Congressman Roman Romulo, Vice Mayor Dodot Jaworski, mga miyembro ng ika-12 Sangguniang Panlungsod na sina Councilors Paul Senogat, Simon Tantoco, at Volta Delos Santos, at mga kawani ng City Health Department at City Engineering Office, na siyang nanguna sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Nakibahagi rin ang mga opisyal ng Pamahalaang Barangay ng Palatiw at Pinagbuhatan, sa pangunguna nina Kapitan Bobot Gueverra at Kapitan Robin Salandanan. Kasama ang mga residente na direktang makikinabang sa mga pinakabagong imprastraktura at healthcare facility, sila ay nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat sa lokal na pamahalaan para sa maayos at de-kalidad na serbisyo.
Sa kanilang talumpati, parehong binigyang-diin nina Congressman Roman at Vice Mayor Dodot ang kahalagahan ng kooperasyon ng mamamayan para mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa lugar. Ipinahayag din nila ang kasiyahan na sa tulong ng bagong health center, hindi na kailangan pang lumayo ang mga residente para makakuha ng serbisyong medikal.
Ipinabatid naman ni Mayor Vico ang patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na tiyakin ang maayos na pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto sa lungsod. Sa pagpapatayo ng health centers, kinukuha na ang Permit to Construct mula sa Department of Health upang masiguro na ang gusali, mula sa floor layout hanggang sa puwesto ng mga kagamitan, ay sumusunod sa pamantayan. Binanggit din niya ang mga kasalukuyang renovation projects at karagdagang health centers na ilulunsad sa taong ito at sa susunod na mga taon, kabilang ang bagong Community Emergency Room.
Pinuri rin ng mga opisyal ang lahat ng tanggapan at departamento ng lokal na pamahalaan na nakipagtulungan para magawa nang maayos ang mga proyekto.
Kasunod ng mga mensahe ay ang magkahiwalay na Ribbon Cutting para sa dalawang proyekto at ang Blessing na pinangunahan ni Rev. Fr. Julius De Gracia. Natapos ang programa sa paglilibot ng mga opisyal at kawani sa E. Santos Health Center at sa sidewalk at drainage system.
—
Ang pagdaraos na ito ay pinangasiwaan ng Cultural Affairs and Tourism Office.
—
Basahin ang post ni Mayor Vico Sotto kaugnay ng inagurasyon kanina: https://web.facebook.com/share/p/18Be8hTbm4/
Balikan ang livestream ng inagurasyon sa link na ito: https://bit.ly/2026Inauguration_Feb27