Inagurasyon ng Drainage Line Canal Construction at Sidewalk Improvement sa Lanite St., Brgy. Bagong Ilog

April 16, 2026

Pinasinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang konstruksyon ng drainage line canal at pagsasaayos ng sidewalk sa Lanite St. sa Brgy. Bagong Ilog ngayong araw, April 16, 2026.
Sa kabuuang halaga ng mahigit PHP1M, naisagawa ang pagkakabit ng reinforced concrete culvert pipe sa drainage line canal na may habang 43 meters.
Bukod dito, isinagawa rin ang pagsasaayos ng bangketa na umabot ng 113 meters ang haba at may lapad na 1.2 meters. Upang matiyak na ligtas at angkop gamitin ang bangketa para sa lahat, lalo na para sa may edad at persons with disability, itinakda sa 0.5 meter lamang ang elevation nito mula sa antas ng kalsada. Kinabitan din ng safety bollards ang ilang bahagi ng bangketa, bilang dagdag-proteksyon sa mga pedestrian.
Pinangunahan ang inagurasyon nina Mayor Vico Sotto, Congressman Roman Romulo, at Vice Mayor Dodot Jaworski, kasama sina Councilor Pao Santiago at Councilor Eric Gonzales ng 12th Sangguniang Panlungsod.
Nakiisa rin ang mga opisyal ng Pamahalaang Barangay ng Bagong Ilog, sa pangunguna ni Kapitan Bing Avis, gayundin ang mga miyembro ng homeowners associations at ilang residente ng barangay.
Sa isinagawang programa, nagpahayag ng pasasalamat si Kapt. Avis sa Pamahalaang Lungsod at nangakong pangangalagaan ang lahat ng proyektong ipinagkaloob sa kanilang barangay.
Itinampok naman nina Congressman Roman Romulo at Vice Mayor Dodot Jaworski sa kanilang mga talumpati ang kahalagahan ng pagtutulungan at kooperasyon ng mga residente, para mapanatili ang kalinisan ng drainage system at ang walkability ng mga bangketa.
Samantala, inilahad ni Mayor Vico Sotto ang kasalukuyang sitwasyon ng mga kalsada at bangketa sa lungsod. Ayon sa kanya, dahil makikitid at limitado lamang ang espasyo, layunin ng lokal na pamahalaan na tiyakin ang wastong paggamit ng mga ito.
Kaugnay nito, mahigpit niyang pinaalalahanan ang mga roadside property owner na huwag lalagpas sa kanilang property line, dahil mahigpit na ipinapatupad ng lokal na pamahalaan ang pagtanggal ng mga istrukturang sumasakop sa pampublikong espasyo gaya ng mga bangketa.

Matapos ang mga mensahe, isinagawa ang ribbon-cutting ceremony at pagbabasbas ng bagong proyekto.