IN PHOTOS: PS-DBM on Wheels sa Lungsod ng Pasig

February 26, 2026



Matagumpay na inilunsad ang Procurement Service - Department of Budget and Management (PS-DBM) on Wheels  sa Lungsod ng Pasig nitong February 24, 2026, sa Maybunga Rainforest Park.

Ang PS-DBM on Wheels (PoW) ay isang inisyatiba ng PS-DBM na naglalayong ilapit sa mga lokal at pambansang ahensya ng gobyerno ang abot-kaya, de-kalidad, at garantisadong common-use supplies at equipment. Ika-apat ang Lungsod ng Pasig at kauna-unahan sa National Capital Region na pinaglunsaran ng programa, kasunod ng Batangas, Pangasinan, at Quezon Province noong nakaraang taon.

Sinimulan ang paglulunsad sa isang maikling programa kung saan nagbigay ng mensahe si Atty. Genmaries Entredicho-Caong, Executive Director (ED) V ng PS-DBM. Sa kanyang mensahe, ibinahagi niya ang iba pang layunin ng PoW, gaya ng pagpapalawig ng implementasyon ng New Government Procurement Act, pagpapasimple ng procurement process, at pagtataguyod ng transparency sa gitna ng digital transformation ng public procurement sa pamamagitan ng modernized PhilGEPS (Philippine Government Electronic Procurement System).

Kasama ni ED Genmaries si Department of Budget and Management Secretary Rolando Toledo na nagbigay din ng mensahe bilang parte ng programa. Ani niya, malaki ang tiwala niya sa PS-DBM na gawin ang mandato nito habang isinusulong ang transparency at accountability. Dagdag niya pa rito ang mga benepisyo ng pagbili sa PS-DBM, kabilang ang pagtiyak na “best value for money” para sa procuring entities.

Mainit na tinanggap ni Mayor Vico Sotto ang mga katuwang na institusyon. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga ganitong programa sa pagpapadali at pagpapabilis ng procurement process, lalo na para sa maliliit na unit ng pamahalaan. Ayon sa kanya, malaking tulong ito upang mas maging efficient ang pagbili ng kinakailangang kagamitan, makatipid sa pondo ng bayan, at matiyak na ang bawat pisong ginagastos ay may malinaw na pakinabang at pananagutan.

Bilang hudyat ng opisyal na pagbubukas ng aktibidad sa lungsod, isinagawa ang ribbon-cutting na sinundan ng tour sa PoW at turnover ng tatlong motor vehicle units na iprinocure ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa pamamagitan ng eMarketplace, ang una at opisyal na electronic commerce platform ng gobyerno na pinangangasiwaan ng PS-DBM.

Ang matagumpay na paglulunsad ng PoW sa Pasig ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng nasyonal at lokal na pamahalaan tungo sa mas mabisa, transparent, at makataong serbisyong publiko.