IN PHOTOS | Pagsalubong sa Nalalapit na Selebrasyon ng 47th National Disability Rights Week sa Lungsod ng Pasig

July 14, 2025

Para salubungin ang selebrasyon ng 47th National Disability Rights Week (NDR Week) sa July 17-23, 2025, naging parte ng maikling programa para sa lingguhang pagtataas ng watawat ngayong araw, July 14, 2025, ang pagbibigay alam sa mga gagawing aktibidad kaugnay ng magiging pagdiriwang sa Lungsod ng Pasig.
Isang motorcade ang gaganapin sa darating na Huwebes, July 17, 2025 mula Tanghalang PasigueƱo hanggang sa Maybunga Rainforest Park na pangungunahan ng iba't ibang organisasyon ng persons with disability sa lungsod.
Samantala, magkakaroon din ng Forum on Disability-Related Laws, kabilang ang usapin sa tamang diskwento para sa persons with disability sa July 22, 2025, 09:00AM - 02:00PM. Para masiguro na mas marami ang makakapanuod ay magkakaroon din ito ng livestream sa Facebook Page ng Pasig City PDAO (Persons with Disability Affairs Office).
Layon ng awareness activities na ito na mas mapalalim din ang kamalayan ng publiko na ang persons with disability ay mga produktibong miyembro din ng lipunan at may karapatan sa equal na access sa employment, livelihood, education, at sa iba pang aspeto.
Hinikayat din ni Pasig City PDAO Head Helen Carmona ang iba pang organisasyon ng persons with disability sa lungsod na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.
Nagpaabot din ng mensahe ng pagbati si Mayor Vico Sotto sa mga kinatawan ng mga asosasyon ng persons with disability sa lungsod na nakalahok sa programa, ngunit naging maiksi lamang ito dala nang biglang pag-ulan.
____
Ang pagdiriwang ng NDR Week ay alinsunod sa Proclamation No. 597, s. 2024. Ito ay pagtugon sa United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities na nagsusulong, pumo-protekta, at nagtitiyak sa karapatang pantao ng persons with disability. Para sa taong ito, ang tema ng pagdiriwang ay "Innovation for Inclusion: Building Inclusive Communities Together."
Layon ng pagdiriwang na isulong ang karapatan ng mga taong may kapansanan sa pamamagitan ng development at inclusive tools, technologies, at policies na magbibigay daan para magkaroon ng mapang-unawa at suportive na lipunan para sa lahat.
Balikan ang naging pagsalubong sa NDR Week ngayong umaga sa link na ito: https://bit.ly/2025_FlagCeremonyJuly14