IN PHOTOS: Inagurasyon ng RCBC Drainage System sa bahagi ng A.V. Cruz Street sa Barangay Kalawaan
February 6, 2026










Isang maikling seremonya ang idinaos ngayong araw, February 6, 2026, para sa naging inagurasyon ng reinforced concrete box culvert (RCBC) drainage system sa bahagi ng A.V. Cruz Street sa Barangay Kalawaan.
Sa humigit-kumulang PHP11.5M na kabuuang halaga, naipatayo ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang kanal na may lapad na .5 meter sa magkabilang bahagi ng kalsada at lalim na 1.2 meters at sidewalk na may haba na 340 linear meters at lapad na nasa 1.2 meters sa magkabilang bahagi ng kalsada. Isinama na rin sa proyekto ang pagpapagawa ng kalsada na may haba na 390 linear meters at lapad na nasa 6 meters
Minabuti rin ng lokal na pamahalaan na gumamit ng RCBC upang masiguro ang matibay at pangmatagalang paggamit ng drainage system, lalo na’t ito ay nakapwesto malapit sa kalsada at nangangailangan ng heavy-duty na materyales na angkop sa ganitong imprastraktura.
Pinangunahan nina Mayor Vico Sotto, Congressman Roman Romulo, at Vice Mayor Dodot Jaworski, kasama sina Councilor Paul Senogat at Councilor Simon Tantoco ng 12th Sangguniang Panlungsod ang nasabing aktibidad. Dumalo rin ang mga opisyal ng Barangay Kalawaan, sa pangunguna ni Chairman Jessie Gaviola, at mga kinatawan ng Homeowners Associations na kabilang sa mga pangunahing benepisyaryo ng proyekto.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Mayor Vico ang kanyang kasiyahan sa mga pagbabagong dulot ng proyekto para sa mga residente. Inilahad din niya na nalimitahan ang sukat ng sidewalk dahil private property ang katabing lupa. Gayunpaman, tiniyak niyang dadaan sa tamang proseso ang gobyerno upang sa hinaharap ay mabili ng lungsod ang naturang lote at magamit para sa pampublikong daanan.
Para kay Congressman Roman, bukod sa mga drainage system, marami pa ang pwedeng gawing proyekto sa lungsod. Kaya hiling niya na magtulungan ang bawat isa para sa kaginhawaan ng buhay ng mamamayang Pasigueño.
Binigyang-diin naman ni Vice Mayor Dodot ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan sa komunidad, lalo na ang tamang pagtatapon ng basura upang maiwasan ang pagbabara ng mga daluyan ng tubig at tuluyang matugunan ang isyu ng madalas na pagbaha sa lugar.
Parte ng programa ang isang Ribbon Cutting Ceremony, at bilang pagtatapos, isinagawa ni Rev. Fr. Julius De Gracia ang pagbabasbas ng kalsada, kanal, at sidewalk na sakop ng nasabing proyekto.
—
Ang proyektong ito ay pinangunahan ng City Engineering Office, katuwang ang iba pang tanggapan ng Pamahalaang Lungsod. Samantala, naging matagumpay naman ang pagdaraos ng inagurasyon, sa pangunguna ng Cultural Affairs and Tourism Office.