IN PHOTOS: 70 Frontliners ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, Sumailalim sa Kauna-unahang Deaf Sensitivity at Basic Filipino Sign Language Training

June 4, 2025

Matagumpay na naisagawa ang kauna-unahang Deaf Sensitivity at Basic Filipino Sign Language (FSL) Training para sa frontliners mula sa iba’t ibang opisina at departamento ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig kahapon, June 3, 2025, sa Room 201, Temporary Pasig City Hall.
Sa kanyang Welcome Remarks upang simulan ang isang makabuluhang araw, binigyang-diin ni City Human Resource Development Officer Ms. Elvira R. Flores, MNSA, CESE ang kahalagahan at layunin ng nasabing training. Ayon sa kanya, nakatuon ang pagsasanay sa tatlong mahahalagang aspeto: diversity, equality, at inclusivity. Inaasahan niyang mas maiintindihan at maiinternalisa ng mga kalahok ang mga konseptong ito upang mas maging epektibo ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga empleyado at kliyente, lalo na sa mga taong may kapansanan sa pandinig.
Upang higit na mapalalim ang kaalaman ng mga kalahok, nagsilbing mga Resource Speaker ang mga kinatawan mula sa Manila Christian Computer Institute for the Deaf (MCCID) na sina Mr. Remberto “Jojo” Esposa Jr., isang guro at Sign Language Interpreter, at sina Donne Ambrosio Roberto Dela Cruz, Catherine Jardiolin, at Rod Kevin Yparraguirre, mga trainer ng MCCID na may kapansanan sa pandinig.
Sa unang bahagi ng training, ipinaliwanag ni Mr. Esposa ang kahalagahan ng pag-aaral ng sign language, partikular na ang FSL. Ayon sa kanya, mahalaga ito upang mas malalim na maunawaan ang mga taong may kapansanan sa pandinig, makapagbigay ng angkop na tulong, at malaman ang tamang paraan ng pakikitungo sa kanila. Bukod dito, ibinahagi rin niya ang mga epektibong paraan kung paano kunin ang kanilang atensyon kapag nais silang kausapin. Ilan sa mga paraan ay ang pakikipag-eye contact, mahinahong pagtapik sa kanilang balikat, o kaya naman ay pagbukas at pagsara ng ilaw para kunin ang kanilang atensyon.
Sa ikalawang bahagi ng training, itinuro nina Donne, Catherine, at Rod Kevin ang FSL fingerspelling para sa Filipino alphabet at mga numero. Ibinahagi rin nila ang mga sign para sa ilan sa mga pagbati at ilang basic communication na maaaring magamit ng mga kalahok sa pang araw-araw na pakikipag-komunikasyon.
Bilang pagtatapos ng training, itinuro ng mga kinatawan ng MCCID ang sign language interpretation para sa isang makabayang awitin: Pilipinas Kong Mahal.