Happy Solo Parents Week mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig!

April 13, 2026



Nakiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa pagdiriwang ng National Solo Parents Week mula April 13 hanggang 18, 2026, na may temang “𝗛𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗸𝗮 𝗡𝗮𝗴-𝗶𝗶𝘀𝗮 𝘀𝗮 𝗜𝘆𝗼𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗴-𝗶𝗶𝘀𝗮: 𝗬𝗮𝗸𝗮𝗽 𝗮𝘁 𝗞𝗮𝗹𝗶𝗻𝗴𝗮 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗦𝗼𝗹𝗼 𝗣𝗮𝗿𝗲𝗻𝘁.” Opisyal na sinimulan ang pagdiriwang sa Lungsod ng Pasig sa isang Kick-Off Ceremony bilang parte ng lingguhang flag-raising ceremony nitong April 13, 2026.

Dumalo sa programa ang iba’t ibang samahan ng solo parents mula sa Brgy. Dela Paz, Brgy. Manggahan, Brgy. Maybunga, Brgy. Rosario, Brgy. Santolan, at Brgy. Sta. Lucia, bilang pakikiisa sa selebrasyon.

Sa pangunguna ng Solo Parent Unit sa ilalim ng City Social Welfare and Development Office (Pasig CSWDO), inihanda ang iba’t ibang programa at aktibidad para sa buong linggo. Maaaring tingnan ang kumpletong listahan at schedule ng mga aktibidad sa link na ito: https://bit.ly/Pasig-SPW2026 

Nagbigay rin ng mensahe si Mayor Vico Sotto, kung saan kanyang binati ang lahat ng solo parent sa kanilang linggo ng pagdiriwang. Hinikayat din niya hindi lamang ang mga solo parent at kanilang pamilya, kundi ang buong komunidad na makiisa at dumalo sa mga nakatakdang programa at aktibidad ng lungsod.

Higit pa sa isang pormal na paggunita, ang pagdiriwang na ito ay paalala at inspirasyon upang patuloy na kilalanin, unawain, at suportahan ang mga solo parent na nagsisilbi bilang haligi at ilaw ng kanilang tahanan habang nagsisikap itaguyod ang kanilang pamilya sa kabila ng iba’t ibang hamon. Sila rin ay malinaw na huwaran ng katatagan, pagmamahal, at sakripisyo.

Isang makabuluhan at maligayang Solo Parents Week sa lahat ng magigiting na solo parents ng Pasig!