Good luck, Pasig City Delegation to the NCR Palaro 2026!
March 1, 2026















































Isang Send-Off Ceremony ang handog ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig at Schools Division Office - Pasig City (SDO-Pasig) para sa delegasyon ng lungsod sa Regional Athletic Meet SY 2025-2026 o NCR Palaro 2026 ang ginanap kahapon, February 28, 2026, sa Pasig Elementary School.
Binubuo ng 758 atleta mula sa elementary at secondary levels at 110 officials at tournament managers ang delegasyon ng Lungsod ng Pasig para sa 2026 NCR Palaro. Ang lungsod ay may representante sa 24 (out of 24) regular events at 3 (out of 4) special events para sa paragames.
Dinaluhan ang Send-Off Ceremony ng mga atleta, pamilya ng mga ito, coaches, at mga kawani at opisyal mula sa Pamahalaang Lungsod at SDO-Pasig. Nagpaabot ng mensahe ng pagbati para sa delegasyon sina Mayor Vico Sotto, Congressman Roman Romulo, Vice Mayor Dodot Jaworski, at ang ilang miyembro ng 12th Sangguniang Panlungsod ng Pasig.
Ipinaalala ni Congressman Roman sa mga atleta na hindi kailangang tanawin bilang utang na loob sa mga opisyal ng lungsod ang mga suportang natanggap nila, dahil ang mga ito ay bunga ng pagbabayad ng buwis ng kanilang mga magulang at mga Pasigueño. Ngunit kinilala rin ni Congressman Roman ang naging kontribusyon ni Mayor Vico na palakasin at mapaglaanan ng budget ang Sports Development sa lungsod, maging nina Vice Mayor Dodot at ng Sangguniang Panlungsod para maaprubahan ang budget na nakalaan para rito.
Samantala, bilang mga kinatawan ng Lungsod ng Pasig sa 2026 NCR Palaro, ipinaalala ni Vice Mayor Dodot sa mga atleta ang kahalagahan ng paglaban nang patas, di lamang sa teammates, kundi maging sa mga makakatunggali ng mga ito. Ito ay dahil sa Lungsod ng Pasig, isinusulong ang integridad at katotohanan, at di lamang ang mga sarili nila ang kinakatawan nila sa Palaro, kundi maging ang lungsod.
Ipinaabot naman ni Mayor Vico ang buong suporta ng Pamahalang Lungsod ng Pasig sa mga delegado. Ibinahagi niya na bukod sa pagkapanalo, pagiging kampeon, at pag-uuwi ng medalya, mas importante pa rin ang prosesong pinagdaanan ng bawat isa para makamit ang antas o lebel ng pagiging atleta: ang disiplina, pagtitiyaga, at mga aral na napulot ng mga ito—mula sa training, contest proper, at kung saan pa makarating bilang atleta. Ipinahayag din ng alkalde ang kanyang kumpiyansa sa delegasyon, nang banggitin na sigurado siyang marami ang magtatagumpay at mag-uuwi ng medalya para sa Lungsod ng Pasig.
Isasagawa ang Regular Games ng NCR Palaro 2026 mula March 2-7, 2026, samantalang nagkaroon na ng Advance Games noong February 23-27, 2026.
Bukod sa mga naging mensahe, nagkaroon din ng pagbibigay-basbas para sa delegasyon sa pangunguna ng iba't ibang spiritual leaders. Parte rin ng naging Send-Off Ceremony ang pagkilala sa mga atleta na nakapag-uwi na ng medalya mula sa ginanap na Advance Games.
Bilang bahagi rin ng send-off, nagkaroon ng distribusyon ng allowances para sa mga miyembro ng delegasyon.
Mula sa buong lungsod — 𝐆𝐎𝐎𝐃 𝐋𝐔𝐂𝐊 𝐀𝐍𝐃 𝐆𝐎 𝐅𝐎𝐑 𝐓𝐇𝐄 𝐆𝐎𝐋𝐃, 𝐏𝐀𝐒𝐈𝐆 𝐂𝐈𝐓𝐘 𝐃𝐄𝐋𝐄𝐆𝐀𝐓𝐈𝐎𝐍! Ngayong pa lang, lubos na kayong ipinagmamalaki ng Lungsod ng Pasig!
Pasig City Sports
#UmaagosAngPagasa