Gender and Development (GAD) Summit 2025, Matagumpay na Idinaos sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig
October 6, 2025









































Matagumpay na idinaos ang Gender and Development (GAD) Summit 2025 noong Biyernes, October 3, 2025, sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasig (PLP), sa pangunguna ng Pasig City Gender And Development Office. Dinaluhan ang nasabing aktibidad ng mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, mga kasapi ng GAD Focal Point System ng lungsod (Executive Committee, Technical Working Group, at Monitoring and Evaluation), mga kinatawan mula sa iba’t ibang opisina at departamento ng lokal na pamahalaan, gayundin ng mga opisyal at empleyado ng mga barangay sa Lungsod ng Pasig.
Layon ng GAD Summit 2025 na may temang “From Policies and Plans to Practice: Recognizing Excellence in Gender-Responsive Governance in City of Pasig,” na kilalanin ang mga programa na nagtataguyod ng gender equality at empowerment sa loob ng lokal na pamahalaan at maging sa mga komunidad ng Lungsod ng Pasig.
Present sa nasabing aktibidad upang magbigay ng kanilang mensahe ng suporta sina Mayor Vico Sotto at Vice Mayor Dodot Jaworski. Dumalo rin ang ilang miyembro ng 12th Sangguniang Panlungsod, kabilang sina Councilor Boyie Raymundo, na siyang Chairperson ng Committee on GAD, Councilor Angelu de Leon, Councilor Ryan Enriquez, at Councilor Volta Delos Santos.
Hindi rin pinalampas ni dating City Councilor Corie Raymundo, na dati ring Chairperson ng Committee on GAD, ang pagkakataon na makadalo at magbigay ng kanyang mensahe para sa nasabing aktibidad.
Sa unang bahagi ng GAD Summit 2025, ipinresenta ni Mr. Kim Harold Peji, Officer-in-Charge ng Technical Services and Regional Coordination Division ng Philippine Commission on Women, ang kanyang lecture patungkol sa international at national GAD mandates. Ibinahagi rin niya ang kahalagahan ng mga ito sa pagsusulong ng gender-responsive local governance, gayundin ang tamang paggamit at mga panuntunan sa paglalaan ng GAD budget, at ang mga best practices sa gender mainstreaming na maaaring maging modelo para sa mga lokal na pamahalaan.
Ang ikalawang bahagi naman ng aktibidad, na siya ring highlight ng GAD Summit 2025, ay ang pagkilala at pagbibigay-parangal sa mga lumahok sa 2025 Search for the Most Gender-Responsive Barangay at City Office/Department. Sa kabuuan, 23 barangay at 7 city offices/departments ang lumahok sa nasabing search.
Itinanghal na Most Gender-Responsive Barangay ang Barangay San Antonio, na tumanggap ng Most Gender-Responsive Seal at cash prize na PHP 75,000.00. Nasungkit naman ng Barangay Bagong Katipunan ang 1st Runner-Up at ng Barangay Sumilang ang 2nd Runner-Up, na parehong tumanggap ng Certificate of Award and Appreciation at cash prize na PHP 50,000.00 at PHP 30,000.00.
Samantala, nagwagi bilang Most Gender-Responsive Office ang City Health Department, na tumanggap din ng Most Gender-Responsive Seal at cash prize na PHP 75,000.00. Nakuha naman ng Pasig City General Hospital ang 1st Runner-Up at ng PLP ang 2nd Runner-Up, na parehong nakatanggap ng Certificate of Appreciation at cash prize na PHP 50,000.00 at PHP 30,000.00.