Drainage System Construction sa A. Flores St., Brgy. Bagong Ilog, Pinasinayaan

April 10, 2026



Nagsagawa ng isang maiksing programa ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig para sa inagurasyon ng bagong drainage system sa A. Flores St., Brgy. Bagong Ilog ngayong araw, April 10, 2026. 

Sa higit PHP1.1M na kabuuang halaga, isinagawa ang pagsasaayos ng drainage line canal gamit ang reinforced concrete culvert pipe na may habang 147 metro at lapad na halos kalahating metro. Bahagi rin ng drainage system project na ito ang paglalagay ng concrete inlet manhole na may sukat na 1x1 metro.

Ang inagurasyon ay dinaluhan ng mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Lungsod, pati na ng Pamahalaang Barangay ng Bagong Ilog at mga residente. 

Nagpahayag ng pasasalamat si Barangay Bagong Ilog Chairperson Bing Avis sa Pamahalaang Lungsod para sa tulong at suportang ibinigay para sa ikagaganda ng kanilang komunidad. 

Mainit na pagbati naman ang hatid ni Congressman Roman Romulo sa mga residente ng barangay na makikinabang sa proyekto. 

Samantala, binigyang-diin naman ni Vice Mayor Dodot Jaworski ang kahalagahan ng disiplina sa pagpapanatili ng kalinisan at tamang pagtatapon ng basura para maiwasan ang pagbabara ng mga kanal. 

Sa kanyang mensahe, buo ang tiwala ni Mayor Vico Sotto na maganda at pulido ang pagkakagawa ng drainage system, sa kabila ng mababang presyong inilaan ng lungsod para rito. Ibinahagi rin niya na nakatakda ring magsagawa ng asphalt overlay sa parehong kalsada sa susunod na mga buwan. 

Nagpasalamat din siya sa patuloy na pagsuporta at pag-alalay ng Pamahalaang Barangay sa mga proyekto at tiniyak na handa ang Pamahalaang Lungsod na tumulong sa pagresolba ng mga suliranin at mahahalagang usapin sa barangay— internal man o external. 

Tampok din sa programa ang ribbon-cutting ceremony at blessing ng drainage system.

— 

Ang proyektong ito ay naging posible sa pangunguna ng City Engineering Office, katuwang ang iba pang tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig. Samantala, ang inagurasyon ay pinangasiwaan ng Cultural Affairs and Tourism Office, katuwang ang Pasig City Symphonic Band.