Drainage System Construction at Sidewalk Improvement sa East Capitol Dr. at Sta. Rosa St. sa Brgy. Kapitolyo, Pinasinayaan

April 24, 2026


Idinaos ang isang seremonya para sa pagpapasinaya ng drainage system construction at sidewalk improvement sa bahagi ng East Capitol Dr. at Sta. Rosa St. sa Brgy. Kapitolyo kahapon, April 23, 2026. Dinaluhan ito ng mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, Pamahalaang Barangay ng Kapitolyo, at mga residente. 

Sa kabuuang halagang higit PHP 2.2M, naisagawa ang bagong drainage system at naisaayos ang bangketa nang mas ligtas at angkop para sa mga pedestrian. 

Ang drainage line canal, na pinatibay gamit ang reinforced concrete culvert pipe, ay may haba na 232 meters at lapad na 24 inches. Kaakibat nito ang mga concrete inlet manhole na nagsisilbing daluyan ng tubig mula sa kalsada patungo sa drainage system. 

Sa ibabaw nito ay itinayo ang sementadong bangketa na kasing-haba ng drainage line canal at may isang metrong lapad. Nilagyan din ito ng safety bollards bilang proteksyon sa mga dumaraan. 

Bilang bahagi ng seremonya, nagkaroon ng ribbon-cutting ceremony at blessing ng mga proyekto. Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na makapagpahayag ng kani-kanilang mensahe. 

Naging sentro sa talumpati ni Congressman Roman Romulo ang kahalagahan ng disiplina at wastong pangangalaga ng kapaligiran para maiwasan ang pagbabara ng mga daluyan ng tubig na karaniwang sanhi ng matinding pagbaha. 

Hinimok naman ni Vice Mayor Dodot Jaworski ang mga residente na makipagtulungan sa pamahalaan para mapanatili ang kaayusan sa lugar. Binanggit din niya ang Drainage System Masterplan and Feasibility Study na naging batayan sa pagpaplano ng drainage system constructions sa lungsod. 

Samantala, binigyang-diin ni Mayor Vico Sotto ang mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa pagdi-discharge ng untreated wastewater sa mga drainage system at ibinahagi ang layunin ng lokal na pamahalaan na gawing mas walkable ang mga kalsada, sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga bangketa ay maayos, ligtas, at angkop para sa mga pedestrian. 

— 

Ang Drainage System Masterplan and Feasibility Study ay inilunsad sa bisa ng Pasig City Resolution No. 175-11, s. 2023. Layunin nitong makapaglatag ng pangmatagalang solusyon sa mga suliranin sa drainage at pagbaha sa Pasig.

—

Matagumpay na naisakatuparan ang proyektong ito sa pangunguna ng City Engineering Office, katuwang ang iba pang tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig. Naging posible rin ang inagurasyon sa pangunguna ng Cultural Affairs and Tourism Office, katuwang ang Pasig City Symphonic Band.