Buntis Caravan 2025: Pagtutok sa Kalusugan ng Ina at Sanggol
August 21, 2025















Matagumpay na isinagawa ang Buntis Caravan 2025 noong Martes, August 19, 2025, sa Choice Market, Brgy. Rosario, Pasig City, bilang bahagi ng selebrasyon ng National Breastfeeding Month sa Lungsod ng Pasig.
Layunin ng programa na masiguro ang ligtas na pagbubuntis at panganganak sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon at serbisyong pangkalusugan.
Dinaluhan ang nasabing caravan ng nasa 307 na buntis mula sa iba’t ibang barangay sa Lungsod ng Pasig. Dumalo rin sa aktibidad si Councilor Angelu de Leon upang magbigay ng mensahe ng suporta para sa mga kalahok. Sa kanyang mensahe, ibinida niya ang mga programang inilalaan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig upang masigurong ligtas ang pagbubuntis ng mga ina, gayundin ang pangangalaga sa kanilang kalusugan at sa kalusugan ng kanilang mga anak pagkapanganak.
Naging hitik sa makabuluhang talakayan ang buong programa, sa pangunguna ng mga medical professional mula sa City Health Department (CHD) at Pasig City General Hospital. Tinalakay nila ang mahahalagang paksa gaya ng Maternal Nutrition, Health Financing, Facility-Based Deliveries, High-Risk Pregnancies, Importance of Newborn Screening, at Child Care.
Naging daan ang mga paksang ito upang magbigay kaalaman sa mga buntis tungkol sa tamang nutrisyon, ligtas na panganganak, at pangangalaga sa kanilang kalusugan at sa kanilang anak. Nakatulong din ito upang maging handa sila sa pagiging ina kung saan natutunan nila ang mga tamang hakbang para sa mas ligtas at malusog na pagbubuntis.
Matapos ang serye ng mga lektura, nabigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na magtanong, magbahagi ng kanilang karanasan, at direktang makipag-ugnayan sa mga eksperto. Sa pamamagitan nito, hindi lamang sila nagkaroon ng dagdag na kaalaman, kundi nakatanggap din ng malinaw na kasagutan at praktikal na payo na magagamit nila sa kanilang pagbubuntis at sa kanilang kalusugan bilang mga ina.
Parte rin ng nasabing caravan ang iba’t ibang serbisyo gaya ng maternal immunization, anemia screening, nutritional counselling. Nagkaroon din ng HIV testing at HBsAg at VDRL laboratories.
Present din sa caravan ang PhilHealth Desk para sa pagpaparehistro at pag-update ng datos na magagamit sa oras ng panganganak.
Namahagi rin ng baby kits sa lahat ng buntis na dumalo upang makatulong sa kanilang paghahanda para sa panganganak.
—
Ang Buntis Caravan 2025 ay naging posible sa pangunguna ng CHD — National Safe Motherhood Program, katuwang ang Health Education and Promotion Office.