Blood Letting Drive Gaganapin sa Rizal High School sa August 2, 2025

July 30, 2025

Inaanyayahan ang lahat ng Pasigueño na makiisa sa gaganaping Blood Letting Drive sa darating na Sabado, August 2, 2025, mula 08:00AM hanggang 12:00NN sa MAE Building, Rizal High School (RHS).

Sa pamamagitan ng mga aktibidad gaya nito, nabibigyan tayo ng pagkakataong makapagligtas at makatulong na madugtungan ang buhay ng mga taong nangangailangan ng dugo. Tandaan na sa bawat donasyon, maraming buhay ang maaari nating maisalba.

Kaya naman para sa mga nais makiisa, bukas ang aktibidad para sa mga 16 hanggang 60 taong gulang. Sa mga menor de edad na nais mag-donate, kinakailangan lamang magdala ng written consent mula sa magulang o guardian.

Sasailalim sa screening process ang lahat ng nais mag-donate upang masiguro na sila ay kwalipikado. Kung nakapasa sa screening, maaari nang makapagbigay ng dugo. 

Para sa mga karagdagang kwalipikasyon at iba pang katanungan tungkol sa aktibidad, makipag-ugnayan lamang sa Pasig Blood Collecting Team sa pamamagitan ng kanilang Facebook Page.

– 

Ang blood letting activity na ito ay naging posible sa pangunguna ng City Health Department - Pasig Blood Collecting Team, katuwang ang Rizal High School Dekada Nubenta, Rizal Medical Center, The Medical City, at PhilSeven Foundation.