Balay Silangan sa Brgy. Rosario, Pinasinayaan para sa Repormasyon at Pagbabago
September 4, 2026
Pinasinayaan at binasbasan ang Pasig City Balay Silangan sa F. Andres St., Brgy. Rosario, nitong September 3, 2026, bilang bahagi ng patuloy na mga programa para sa repormasyon at reintegrasyon ng mga indibidwal na nasangkot sa pagbebenta o pamamahagi ng ilegal na droga.
Ang Balay Silangan ay isang community-based reformation program ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagbibigay ng family-centered at in-house na intervention para sa mga drug offender na nangangailangan ng gabay, supervision, at suporta upang maiwasan ang muling pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Sa lokal na implementasyon ng programa, katuwang ng PDEA ang Pasig City Anti Drug Abuse Office, upang bigyan ang mga benepisyaryo ng values formation, livelihood training, after-care services, at iba pang tulong upang sila ay makapaghanda sa pagbabalik sa kanilang pamilya at komunidad.
Ang ginawang gusali ng Balay Silangan ay ang dating Rosario Health Center kung saan nagsimula ang conversion noong November 2025. Ngayon, mayroon na itong pasilidad para sa male at female reformation dormitories, clinic, recreation area, at opisina.
Isinagawa rin sa programa ang paglagda sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig at ng PDEA, unveiling ng marker, blessing at walkthrough sa bagong pasilidad.
Dumalo sa programa ang City officials at mga kinatawan mula sa nasyonal na pamahalaan, kabilang sina PDEA-NCR District Officer, Investigation Agent V Mary Lyd Arguelles, at PDEA Regional Director Derrick Arnold Carreon.
Bahagi ang Balay Silangan sa mga hakbang ng PDEA, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, para sa mas sustainable na pagpapatupad ng drug clearing at community-based rehabilitation. Sa pagkakaroon ng sariling pasilidad sa Lungsod ng Pasig, mas mapapalakas ang pagbibigay ng gabay at suporta sa mga benepisyaryo upang magkaroon sila ng pagkakataong magbago at makabalik nang maayos sa kanilang pamilya at komunidad.






















