Bagong Health Center sa F. Conception St. sa Brgy. San Jose, Pinasinayaan

March 3, 2026

Inilunsad bilang bagong Health Center (HC) ang dating Romulo Building na matatagpuan sa F. Concepcion St. sa Brgy. San Jose kaninang umaga, March 3, 2026. Ang proyektong ito ay bahagi pa rin ng mga pagpapabuting isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig tungo sa pagpapatupad ng Universal Health Care sa lungsod.
Ang naturang primary health care facility ay may gross floor area na humigit kumulang 380 square meters. Sa two-storey health center na ito, matatagpuan ang mga silid para makapagbigay ng mahahalagang serbisyong medikal gaya ng treatment o consultation, minor surgery, immunization, nutrition, at family planning. Mayroon ding nakatalagang Counselling Room para sa mental health, adolescence, at women and child protection.
Dumalo sa inagurasyon ang mga kawani at opisyal ng lokal na pamahalaan, kasama ang barangay officials at staff, at personnel ng San Jose HC. Bago ang ribbon-cutting at turnover ng Construction Manual, nagbigay muna ng mensahe ang mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod.
Sa kanyang talumpati, inilahad ni Congressman Roman Romulo na ang gusali ay orihinal na nilayong maging health center para makapagbigay ng paunang atensyon medikal, ngunit hindi ito nagamit sa itinakdang layunin ng halos isang dekada. Ngayong ganap na itong HC, hinikayat niya ang mga residente na unang kumonsulta sa health centers bago sa mga pampublikong ospital dahil aniya, pantay ang lebel at kalidad ng serbisyo na kanilang matatanggap mula sa mga ito.
Ayon kay Vice Mayor Dodot Jaworski, ang pagpapatayo ng health centers ay hakbang para ma-decongest ang mga ospital at matulungan silang maprayoridad ang life-threatening cases. Hinabilin din niya ang pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng pasilidad para magamit ito nang matagal, at sa huli ay hiniling ang magandang kalusugan ng bawat Pasigueño.
Samantala, ibinahagi ni Mayor Vico Sotto ang mahigpit na pagsunod ng lokal na pamahalaan sa requirements at standards ng Department of Health sa pagpapatayo ng healthcare facilities. Bukod sa makakatulong ito sa patuloy na pagpapabuti ng mga serbisyong pangkalusugan, ang pagsiguro na tumatalima sa DOH standards ang health facilities ay requirement din sa accreditation sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth, para sa programang e-Konsulta at Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP, na layong makapagbigay ng maayos at kumpletong serbisyong medikal sa mga tao.
Dagdag niya, misyon ng Lungsod ng Pasig, bilang isa sa mga naunang implementor ng UHC sa buong bansa, na palakasin ang preventive health care, at isa sa mga pamamaraan dito ay ang pagpapatayo ng mga health center para mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga Pasigueño at maagapan ang pagkakasakit bago pa man tuluyang kailanganin ang hospitalisasyon. Binanggit din ni Mayor Vico ang mga susunod pang health-related infrastructure projects tungo sa mas malakas na healthcare system sa lungsod.



Matapos ang programa, umikot sa pasilidad ang lahat ng dumalo para sa pagbabasbas, na pinangunahan ni Rev. Fr. Marlon Apat.
Sa kabuuang halagang PHP8.7M ng naging proyekto, bukod sa Health Center ay naisama rin ang ilan sa mga dapat makumpuni sa San Jose Child Development Center, kabilang ang pagkakabit ng ceiling fan at pagpapalit ng mga sirang ilaw at gripo, upang masigurong maayos at komportable ang pook-aralan ng mga bata.


Mapapanood ang livestream ng inagurasyon sa link na ito: https://bit.ly/2026Inauguration_Mar3
Ang proyektong ito ay naging posible sa pangunguna ng City Engineering Office at City Health Department, katuwang ang iba pang tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig. Samantala, ang inagurasyon ay pinangasiwaan ng Cultural Affairs and Tourism Office, kasama ang Pasig City Symphonic Band.
I-check ang post ni Mayor Vico Sotto kaugnay ng inagurasyon sa link na ito: https://www.facebook.com/share/p/1DE7yTxTqo/