500 Pamilyang Pasigueño, Pinarangalan sa 4Ps Pugay Tagumpay Ceremony

June 26, 2026

Binigyang pagkilala ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, katuwang ang Department of Social Welfare and Development - National Capital Region (DSWD-NCR), ang 500 pamilyang Pasigueño na matagumpay na nagtapos mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ginanap na 4Ps Pugay Tagumpay Ceremony noong June 22, 2026 sa Tanghalang Pasigueño.

Ang Pugay Tagumpay ay isang makabuluhang selebrasyon na kumikilala sa mga tagumpay, pagsisikap, at katatagan ng mga benepisyaryong pamilya na nakamit ang mas maayos na antas ng pamumuhay. Ito rin ay tanda ng kanilang matagumpay na paglipat mula sa pagiging mga benepisyaryo ng programa tungo sa pagiging mas matatag at mas self-sufficient na mga mamamayan.

Dumalo sa programa si Dir. Bienvenido Barbosa, Jr. Director III/Assistant Regional Director for Operation mula sa DSWD-NCR, mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, at mga kasapi ng Local Advisory Council upang makiisa sa pagkilala sa mahalagang yugto ng buhay ng mga nagsipagtapos.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng punong lungsod na isa ang 4Ps sa mga programang madalas na hindi lubos na nauunawaan ng publiko. Aniya, hindi lamang ito tungkol sa pagbibigay ng tulong pinansyal, kundi sa pagtulong sa mga pamilya na mapabuti ang kanilang kalagayan, maging self-reliant, at sa huli ay makatayo sa sarili nilang mga paa. Tiniyak din niya na patuloy na susuportahan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang mga nagtapos sa pamamagitan ng iba't ibang programa at oportunidad na makatutulong upang mapanatili nila ang kanilang pag-unlad kahit matapos ang kanilang paglahok sa 4Ps.

Bawat graduate ay tumanggap ng sertipiko bilang pagkilala sa kanilang matagumpay na paglahok sa programa. Ang nakatakdang cash assistance para sa mga nagsipagtapos ay ipagkakaloob sa susunod na anunsyo.

Patuloy na ipinapakita ng mga pamilyang ito na sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, at tamang suporta, posible ang pag-unlad at pagkamit ng mga pangarap. Malugod na binabati ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang lahat ng 4Ps graduates sa mahalagang tagumpay na ito. Nawa’y magsilbi itong inspirasyon upang lalo pang mapagtibay ang inyong mga pamilya at maabot ang mas marami pang tagumpay sa hinaharap.

Para sa mga katanungan tungkol sa social services ng Lokal na Pamahalaan ng Pasig, maaring mag-message sa official Facebook page ng City Social Welfare and Development Office: Pasig CSWDO .

#UmaagosAngPagasa