37 Kawani ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasig, Kinilala sa Gawad Parangal 2026
March 12, 2026


























Binigyang-pugay ang 37 kawani ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasig (PLP) sa ginanap na Gawad Parangal bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-27 Founding Anniversary ng pamantasan nitong Marso 10, 2026 sa PLP Auditorium. Ang parangal ay pagkilala sa kanilang matagal at tapat na paglilingkod na naging mahalagang bahagi sa patuloy na pag-unlad ng pamantasan at sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon para sa mga kabataang Pasigueño.
Sa ilalim ng temang “𝙋𝙖𝙜𝙠𝙞𝙡𝙖𝙡𝙖 𝙨𝙖 𝙃𝙪𝙨𝙖𝙮, 𝙋𝙪𝙨𝙤, 𝙖𝙩 𝙎𝙚𝙧𝙗𝙞𝙨𝙮𝙤”, kinilala ang mga kawani na naglaan ng maraming taon ng kanilang serbisyo sa pamantasan. Bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon, iginawad sa awardees ang Plaque of Recognition. Sa kabuuang bilang ng mga pinarangalan, 19 ang tumanggap ng 5 Years of Service Award; 7 ang tumanggap ng 10 Years of Service Award; 2 ang ginawaran ng 15 Years of Service Award; 2 ang nakatanggap ng 20 Years of Service Award; at 5 ang ginawaran ng 25 Years of Service Award. Bukod dito, binigyan din ng Special Recognition ang 2 miyembro ng Board of Regents bilang pasasalamat sa kanilang mahalagang ambag sa pamamahala at pagpapaunlad ng unibersidad.
Dumalo at nagbigay ng mensahe ang ilang opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig. Sa kanyang mensahe, ipinarating ni Mayor Vico Sotto ang kanyang paghanga sa dedikasyon at malasakit ng mga kawani ng pamantasan sa patuloy na pagbibigay ng kalidad na edukasyon para sa kabataang Pasigueño. Hinikayat niya ang komunidad ng PLP na ipagpatuloy ang pagpapataas ng kalidad ng edukasyon sa institusyon at tiniyak din niya ang suporta ng Pamahalaang Lungsod sa lahat ng inisyatibong magpapalago sa PLP at mga mag-aaral nito.
Nagpaabot din ng suporta si Vice Mayor Dodot Jaworski Jr. sa PLP sa tuloy-tuloy nitong pagsulong ng edukasyon para sa kabataang Pasigueño. Binigyang-diin niya na ang layunin ng pamantasan ay hindi lamang makapagpatapos ng mga mag-aaral, kundi makapaghubog ng mga produktibong mamamayan na makakatulong sa pag-unlad ng lungsod.
Pinasalamatan naman ni Ms. Elvira R. Flores, City Human Resource and Development Officer, ang mga ginawarang kawani kung saan ani niya na ang kanilang dedikasyon at sipag ay nagtataguyod ng kultura ng kahusayan at malasakit sa loob ng pamantasan, hindi lang para sa institusyon, kundi pati na rin sa mga estudyanteng kanilang pinaglilingkuran
Dumalo rin sa programa si Councilor Simon Tantoco, Chairperson ng Committee on Education ng ika-12 Sangguniang Panlungsod ng Pasig at miyembro ng Board of Regents ng PLP, bilang pagpapakita ng suporta ng lokal na pamahalaan sa patuloy na pag-unlad ng pamantasan.
Ibinahagi ni Dr. Reggie Maningas, PLP University President at isa ring proud 25 Years of Service Awardee, ang kanyang personal na paglalakbay sa pamantasan at kung paano naging parte ng kanyang buhay ang pagtuturo at paglilingkod sa mga mag-aaral. Dagdag pa sa kanyang taos-pusong mensahe, ibinahagi niya na ang diwa ng pagtuturo ay ang paniniwala sa kakayahan ng bawat estudyante hanggang sa matutunan nilang maniwala sa kanilang sarili.
Higit pa sa pagkilala sa haba ng serbisyo, ipinakita ng Gawad Parangal ang mahalagang ambag ng bawat kawani sa paghubog ng kinabukasan ng libu-libong estudyante ng PLP. Sa pamamagitan ng kanilang dedikasyon sa loob at labas ng silid-aralan, patuloy nilang pinatatag ang pamantasan bilang tahanan ng pagkatuto at pag-asa para sa kabataang Pasigueño.
Mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, isang taos-pusong pasasalamat sa lahat ng pinarangalan sa taong ito sa kanilang tapat at patuloy na paglilingkod!
Kaugnay nito, inaanyayahan ang buong komunidad ng PLP na makiisa sa iba’t ibang nakahandang activities para sa pagdiriwang ng ika-27 Founding Anniversary ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasig.
Balikan ang livestream ng Gawad Parangal sa link na ito: https://bit.ly/PLPat27_GawadParangal