157 Kawani at Opisyal mula sa 30 Barangay ng Lungsod ng Pasig, Pinalalakas ang Kaalaman sa Katarungang Pambarangay

September 2, 2026

Pinalakas ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sa pangunguna ng City Legal Office, ang kaalaman at kakayahan ng 157 kawani at opisyal mula sa 30 barangay ng Pasig tungkol sa Katarungang Pambarangay sa isinagawang seminar-workshop na “Hustisya sa Barangay: Paigtingin ang Kaalaman sa Katarungang Pambarangay” nitong Huwebes, August 27, 2026 sa Banquet Hall ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasig.
Tinalakay dito ang mga pangunahing batas at proseso sa Katarungang Pambarangay, kabilang ang mga kasong maaaring hawakan ng barangay at ang mga limitasyon nito. Ipinaliwanag din ang tamang paraan ng mediation, conciliation, arbitration, at amicable settlement o maayos na pagkakasundo ng mga panig.
Kasama rin sa talakayan ang mga kaugnay na probisyon ng Anti-Violence Against Women and their Children Act (Republic Act No. 9262) upang mas maging handa ang mga barangay sa paghawak ng mga sensitibong usapin sa kanilang komunidad.
Bukod sa lecture at discussion, nagsagawa rin ng open forum upang maliwanagan ang mga kalahok sa tamang proseso ng pagresolba ng mga alitan.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang kakayahan ng mga Lupong Tagapamayapa at barangay personnel sa maayos at patas na paglutas ng mga alitan sa antas ng barangay pa lamang at, kung maaari, ay hindi na umabot sa korte. Sa pamamagitan nito, mas maraming usapin ang maaaring maresolba sa barangay sa pamamagitan ng maayos na pag-uusap at pagkakasundo.
Nagpapasalamat ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa lahat ng mga kalahok sa kanilang aktibong pakikibahagi at paglalaan ng oras upang matuto. Nawa’y maging malaking tulong sa kanilang mga barangay ang mga kaalamang kanilang natutuhan, lalo na sa maayos na pagharap at paglutas ng mga alitan sa komunidad.
Patuloy na isinusulong ng lokal na pamahalaan, kasama ang mga pamahalaang barangay, ang ganitong mga inisyatiba upang mapalapit at mapabilis ang access sa hustisya para sa mga Pasigueño.