10 Bagong Hybrid Vehicles ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, Opisyal nang Nai-Turnover sa mga Opisina

July 20, 2026



Pormal na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang Blessing and Turnover Ceremony ng sampung (10) bagong hybrid vehicles na ipamamahagi sa anim (6) na tanggapan ng lungsod, bilang parte ng flag-raising ceremony ngayong araw, July 20, 2026.

Ang pagkuha ng mga sasakyan ay bahagi ng Batch 2 ng tatlong taong re-fleeting program ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig. Nabili ang mga ito sa pamamagitan ng eMarketplace ng Procurement Service - Department of Budget and Management (PS-DBM), alinsunod sa layunin ng lungsod na isulong ang sustainable governance sa pamamagitan ng green procurement at paggamit ng mga teknolohiyang may mas mababang epekto sa kalikasan.

Nagpasalamat si Atty. Marlita Dagsa, Deputy Executive Director for Administrative, Finance, and Legal Group ng PS-DBM sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa patuloy nitong pagtangkilik sa kanilang mga serbisyo. Ayon sa kanya, nakatutulong ang paggamit ng PS-DBM eMarketplace upang maging mas matipid at mas episyente ang procurement ng mga lokal na pamahalaan. Kasama niyang dumalo sina Ms. Samantha Grace Moscoso, Director IV ng PS-DBM Operations Office, at Mr. Omar Bernal, Chief ng Marketing and Sales Division ng Operations Office.

Sa kanyang mensahe, sinang-ayunan ng punong lungsod ang pahayag ni Deputy Executive Director Dagsa tungkol sa paggamit ng PS-DBM eMarketplace. Binigyang-diin niya na hindi lamang ito nakatutulong sa pagtitipid ng pondo ng pamahalaan, kundi pati na rin sa oras, dahil mas napapabilis at napapadali ang proseso ng procurement para sa mga kinakailangang kagamitan at sasakyan ng lungsod.

Matapos ang flag-raising ceremony, pinangunahan naman ni Rev. Fr. Adrian Melvin Ojeda ang pagbabasbas sa mga bagong sasakyan bago ang pormal na turnover sa mga opisina na gagamit ng mga ito.

—

Pinangunahan ng Office of General Services ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang inisyatibang ito bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng lungsod ng mas episyente, makabago, at makakalikasang paghahatid ng serbisyo publiko.